Advertisers
MANANATILING libreng hanggang sa susunod na taon ang RT-PCR tests o swab tests na napakamahal sa mga , private clinics at hospitals. Ito ay para sa mga taga-Maynila at maging sa mga hindi taga-Maynila.
Ito ang ipinangako nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna, na nagsabi na dahil sa banta ng Omicron variant at iba pang posibleng mutations sa paligid ay mahalagang ipagpatuloy ang pagbibigay ng libreng swab tests, na siyang unang hakbang sa pagtugon sa mga kaso ng COVID-19.
Sinabi ng alkalde na sa kabila ng pagbaba ng kaso ng mga active at confirmed cases sa Maynila, nanatili pa rin ang COVID sa kapaligiran at kailangan pa rin ang pagsunod sa ipinapatupad na minimum health protocols.
Ayon pa kay Moreno kapag ang isa ay na- exposed sa isang infected na tao o kaya ay makaramdam ng sintomas ng COVID, ang unang dapat na gawin ay sumailalim sa swab test. Kailanagn din ang swab test sa paghahanap ng trabaho.
“Those being required by employers to take a swabtest at their own expense, wala na kayong gastos. Just go to our drive-thru center in Luneta or to our six hospitals to get it for free,” sabi ni Moreno.
Ang Maynila ay gumagamit ng gold standard of testing na very accurate at ubod ng mahal sa ibang lugar.
Sa Maynila, ayon kay Moreno ang libreng RT-PCR testing ay makukuha sa mga city-run hospitals at drive-thru center sa Quirino Grandstand, kailangan lang na magrehistro sa online portal ng city government.
Idinagdag pa nito na: “Tulong na din namin ito sa mga negosyante para di na sila gumastos for their employes. Ipadala nyo sa amin at aming ite-test nang inyong mga kawani. Ito ang sukli sa ibinabayad ninyong buwis sa Maynila. Ang makamit ninyo ang ganitong serbisyo at maibsan ang gastos ng employes at negosyante.”
Sa kasalukuyan ay may 175,000 indibidwal na tumanggap ng libreng swab tests sa Maynila. Ang lungsod ng Maynila ay mahigit isang taon nang nagbibigay ng librang RT-PCR tests.
“Mananatili itong libre hanggang kaya. Wag kayong mag-atubili dahil meron kayong kaagapay na pamahalaan ng Maynila,” pagtitiyak ng alkalde. (ANDI GARCIA)