Advertisers
DAPAT ibawal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang political caravan sa Metro Manila dahil naglilikha ito ng matinding trapik at posible pang maging sanhi ng pagkalat uli ng Coronavirus-19.
Tulad lang ng nangyari nitong Miyerkoles, halos isang araw lumikha ng matinding trapik sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City ang political caravan ng tandem nina presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. at vice presidentiable Sara Duterte-Carpio.
Ang mga trabahador na maagang gumising para pumasok sa trabaho ay hindi na nakapasok dahil naipit sa trapik, walang galawan ang mga sasakyan sa Commonwealth, sinakop na kasi ng mga sumama sa caravan na halos hindi narin gumagalaw dahil nagkasala-salabat na ang mga sasakyan.
Sabi ng Quezon City government, hindi sumunod sa pinag-usapan ang organizers ng caravan kaya nagka-peste-peste ang trapiko.
Si mayoral aspirant Mike Defensor, kaalyado nina Marcos at Duterte-Carpio, ang nag-organisa ng kanilang caravan sa lungsod. Nasa 6,000 ang mga sumama, ayon sa tantiya ng pulisya at Quezon City LGU.
Napakababastos at walang disiplina pa ang mga sumama sa naturang caravan. Hindi sinusunod ng mga ito ang mga nakatalagang traffic enforcers. Pinilit ang kanila. Resulta: Walang galawan ang trapik. Malamang bukas o sa makalawa, lolobo na naman ang Covid-19 cases. Yawa!
May mga nag-post sa FB, hindi raw nila sinasadya ang mapasama sa caravan. May nag-aya lang daw sa kanila na mamimigay ng ayuda si Marcos. Nang dumating sa lugar, sinabihan silang sumama muna sa caravan bago bigyan ng ayudang P1K. Pagkatapos ng maghapong caravan, P500 ang natanggap nila. Aray ko!
Sina presidentiables Isko Moreno at Leni Robredo ay nagsasagawa rin ng caravan pero hindi sinasakop ang buong kalye at tuluy-tuloy lang ang takbo ng kanilang mga sasakyan.
Ganunpaman, dapat ibawal ang political caravan sa Metro Manila. Doon nalang sila mag-caravan sa mga pro-binsiya na hindi gaano nakakaistorbo ng mga negosyo at nagtatrabaho.
Kung tutuusin, hindi na kailangan ng mga presidentiable mag-caravan sa Metro Manila dahil kilala na sila ng mga tao rito. Araw-araw ba naman laman sila ng mga balita ng mainstream media. Kaya hindi na nila kailangan magpaguwapo pa rito. Alam na ng mga taga-Metro Manila kung ano ang mga pagkatao nila. Doon sila sa malalayong probinsiya na hindi gaanong abot ng mainstream media mag-ingay para makilala sila. Mismo!
Ang political caravan ay show of force lamang. Maari itong gawin ng kahit sinong maperang kandidato. Pangakuan mo lang ng P1K ang mga tambay sa inyong lugar ay siguradong sasama na sila sa caravan kahit sino pang kandidato yan. Yes!
Karamihan ng mga sumasama sa caravan ay pumupunta rin sa event ni presidentiable Manny Pacquiao na personal na namimigay ng P500 or P1K sa bawat pupuntahan niyang lugar.
Si presidentiable Senador Ping Lacson, ayaw ng caravan. Wala raw itong kuwenta. Istorbo lang sa trapik. Ang gusto niya’y tumayo siya sa entablado at ipahayag sa publiko ang kanyang mga plataporma. Tama!
Kaya DILG Secretary Eduardo Ano, Sir!, ipagbawal nyo na ang political caravan. Hikayatin nalang ang mga kandidato na ihayag ang kanilang mga programa sa publiko sa ibabaw ng entablado. That’s it!