Advertisers
PATAY na nang marekober ng search and rescue team ng Philippine Coast Guard (PCG) ang apat sa 9 mangingisdang pumalaot nang hampasin ng malalaking alon ang kanilang mga bangka at lumubog sa karagatan sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng Viga, Catanduanes, Martes ng umaga.
Unang natagpuan ang bangkay ng magkamag-anak na Arnel Tuonan, 36 anyos; at John Paul Tuonan, 24; sa karagatang malapit sa kanilang lugar sa Brgy. Tinago.
Isa pang naaagnas na bangkay ang natagpuan ng PCG Martes ng umaga habang palutang-lutang sa karagatang sakop ng Brgy. Soboc. Kinilala ang biktima na si Adrian Lanon, 41.
Sumunod na nakita ng rescuers ang katawan ni Eduardo Walet Sr. malapit sa baybayin ng Brgy. Botenayan. Ang apat na mangingisda ay pawang residente ng Brgy. Tinago, Viga, Catanduanes.
Nabatid na pumalaot ang mga biktima kasama ang dalawa pa na sina Warley Ebaldon at Tolentino Turreda, Jr., umaga ng Nobyembre 30, upang mangisda. Gayunman, sinalubong sila ng higanteng mga alon sa gitna dahilan para tumaob at lumubog ang kanilang bangka.
Masuwerteng nakita at nailigtas ng mga kasamahang mangingisda at nakauwi sina Ebaldon at Turreda habang minalas na nalunod sina Lanon, Walet at magkamag-anak na Tuonan.
Samantala, pinaghahanap ng mga kasapi ng PCG ang lima pang mangingisda na nawala nang pumalaot noong Disyembre 1. Ito’y sina Ronald Abarle, Dante Torrente, Jovel Torrente, Melvin Habaga at Jerson Asis, pawang residente sa bayan ng Viga.
Isang nagngangalan namang Freddie Mingoy ng Brgy. Putsan, Viga ang nailigtas ng mga residente nang napadpad lulan ng kanyang bangka dahil sa malalakas na hangin at alon sa karagatang sakop ng Brgy. Malobago, Rapu-Rapu, Albay.