Advertisers
LIMANG buwan mula ngayon ay maghahalal na naman tayo ng mga bagong mamumuno sa ating bayan, lalawigan at sa buong bansa.
Dapat ay pumili tayo sa mga kandidato ng may husay, malinis ang pagkatao, hindi sinungaling, hindi mula sa political dynasty, may vision, higit sa lahat walang bahid ng katiwalian.
Oo! Tulad lang ng pag-aplay natin ng trabaho. Sinasala ng maigi ng employer ang pagkatao ng aplikante sa pa-mamagitan ng paghingi ng requirements na educational background, karanasan, Barangay/NBI/Police at Court Clearances. ‘Pag wala ka ng mga ito, malabo kang matatanggap.
Dito naman sa mga kandidato partikular sa national, madali lang sila makilala. Dahil hindi na sila bago sa politika. Kaya madaling malaman ang kanilang pagkatao. Isang pindot lang sa Google ay mababasa mo na sa mga website ng mainstream media kung ano ang naging accomplishment o rekord ng kandidatong ito para siya’y ating pagkatiwalaan ng ating boto.
Kapag nalaman natin na ang kandidatong ito ay mula sa political dynasty, may rekord ng katiwalian o may mga kaso pang nakabinbin sa korte, bakit mo pa ito pagkakatiwalaan gayung may ibang kandidato namang malinis ang pagkatao. Right?
Tandaan natin: Tayo ang naghahalal ng mamumuno sa ating bayan. Tayo ang nagpapasueldo sa kanila. Oo! Taxpayers money ang hinahawakan ng mga politiko. Tayo ang taxpayers. Automatic na ibinabawas sa sahod natin ang pampasueldo sa mga taong gobierno. Kung wala ka mang trabaho, ang buwis mo ay sa binibili mong mga gamit at pagkain. Ang tawag sayo ay indirect taxpayer.
Kaya dapat maghalal tayo ng hindi tulisan o walang background ng pandarambong ang pamilya ng kandidato.
Tapusin narin natin ang paghalal ng kandidato mula sa political dynasty. Yung lahat ng miembro ng pamilya ay nasa politika na. Tulad ng Duterte. Mula sa Pangulo hanggang sa Mayor ay inupaan, tapos ayaw isapubliko ang SALN.
Ang political dynasty ay hindi mangyayari kung hindi ninyo ihahalal ang kahit sino sa miyembro ng pamilyang ginawa nang negosyo ang politika.
Tandaan: Karamihan sa mga bayan, lungsod, lalawigan, rehiyon na may political dynasty ay marami ang mahihirap. Ang mayayaman lang ay sila silang mga nakadikit sa pamilya ng politiko. Gayung kayong mga naghalal sa kanila ay nanatiling isang kahig, isang tuka. At pag nangailangan ng tulong pinansiyal para pambili ng gamot ay pagpasa-pasahan ka o hindi ka makalalapit sa inihalal mo. Tama?
Kaya sa Mayo 9, 2022, wakasan nyo na ang political dynasty sa lugar nyo. Kayo ang naglagay sa kanila sa kapangyarihan, kayo rin ang magbabagsak sa kanila. Mismo!
Opo! Huwag nang ibalik sa puwesto ang mga tulisang politiko. Bigyan naman ng pagkakataon ang mga kandidatong may vision at walang mantsa ng katiwalian ang pagkatao. Tama!
Kapag nakabalik pa sa puwesto ang mga politikong ganid, abusado, political dynasty, kayong mga botante na ang may kasalanan. Ang isinisigaw mo ngayon na “no to corruption” ay mangyayari lamang kapag hindi mo na ibinoto ang mga tulisang politiko. Mismo!!!
Kung kayo naman ay bibigyan ng pera para muli silang iboto, tanggapin nyo lang…hindi niya naman makikita na hindi mo siya iboboto eh. Nakaganti ka na sa kanyang pagnanakaw sa kaban ng inyong bayan. Yes!