Advertisers
GRABE ang mga nangyayari ngayon sa ating Kamara at Senado. Mistulang sinasasamantala ng mga mambabatas ang kapaskuhan. Okay lang sana kung makakabuti sa taumbayan lalo na ngayong may pandemya pa ang kanilang tinatalakay na mga panukalang batas, pero hindi eh!!!
Nandyan ang pagbibigay ng Kamara ng 25-year franchise sa talpak o e-sabong kungsaan marami na sa ating mga kababayan ang nalulong sa bisyong ito. Andyan rin sa Senado naman ang kontrobersyal na Vape Bill na nais sana ng ilang senador at ng medical organizations na i-regulate dahil sa masamang epekto nito sa mga kabataan.
Ang Senate Bill 2239, panukalang Vaporized Nicotine Products Regulation Act, ay pangunahing akda ng tatlong matataas na opisyal ng Senado na sina Senate President Tito Sotto, Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Senate Pro Tempore Ralph Recto. Kinukuwestyon at tinututulan lalo na ng health professionals ang ilan sa mga kontrobersyal na probisyon ng Vape Bill dahil ayon mismo kay Dr. Benito Atienza, Philippine Medical Association President, ito ay anti-health, anti-youth, at anti-children. Mismo!
Sa katunayan, maliban sa pagtutol ng DOH, DepEd, at FDA, 74 health professional organizations at advocacy groups ang tutol sa Vape Bill na ito, kasama na dito ang probisyon na maaari nang bumili ng vape at heated products ang mga kabataang nag-eedad 18 anyos mula sa orihinal na 21 anyos sa ilalim ng Sin Tax Law. ‘Pag ganito ang nangyari, asahan nyo na ‘yung senior students natin ay malululong sa vape. Tsk,tsk,tsk!
Isa pa sa kinukuwestyon ay ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ng kapangyarihan na i-regulate ang vape products sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration (FDA).
Isinusulong na ang FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayanan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang epekto nito sa kalusugan.
Ipinanukala ni Sen. Pia Cayetano na panatilihin ang 21-anyos na minimum access, panatilihin ang regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor, subalit hindi ito tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador.
Gaya ni Sen. Cayetano, tutol din ang Philippine Pediatric Society (PPS), Philippine College of Physicians (PCP) at public interest law group na ImagineLaw sa pag-apruba ng panukala na magdaragdag lamang raw sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa.
Sabi nga ni Dr. Maricar Limpin, President of Philippine College of Physicians, kinokondena nila ang hakbang na ito na magpapahina sa mga kasalukuyang batas. Marami na anyang problema sa kalusugan at ekonomiya na hinaharap ngayon ang bansa dahil sa COVID-19 kaya hindi sila magdadalawang-isip na mangampanya laban kay Sotto na tatakbong vice president, laban kay Zubiri na tatakbong senador ulit, at laban kay Recto na tatakbong kongresista na posibleng maging front runner sa house spekership.
Patay kayo, mga senador!!!
***
Umaasa si Senador Manny Pacquiao na makukuha niya ang solid votes ng Visayas at Mindanao sa pag-atras ni Senador Bong Go. Isa raw siyang Bisaya kaya tiyak ani-yang bisaya rin ang iboboto ng mga bisaya. Oo nga! Hehehe… Go lang, Manny. Fight! fight! fight!!!