Advertisers
MABILIS na aksyong tulong ang ipinanawagan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kapwa Manilenyo upang makalikom ng relief goods, ayudang salapi para sa maraming sinalanta ng bagyong ‘Odette’ sa lalawigan ng Cebu at iba pang lugar sa Visayas at Mindanao.
“Hiniling ko kay kay Vice Mayor Honey Lacuna na magdaos ng isang special session at magpasa ng isang resolution para mag-allocate ng halaga sa mga biktima ng bagyo,” sabi ni Yorme Isko.
Pinasimulan rin ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko ang paglikom ng pondo at relief goods katuwang ang mga lokal na negosyante ng Maynila at pagbubuo ng volunteer group sa kilusang “Tulong ng Manilenyo sa mga Nasalanta ni Odette.”
“Maswerte tayo rito sa Metro Manila at Luzon kasi hindi tayo pininsala ng Typhoon Odette. Kaya umaapela ako sa may mabubuting pusong Manilenos na magbigay ng anomang maitutulong para sa mga kababayan natin na hinagupit ng bagyo,” sabi ng 47-anyos na alkalde.
Kinausap na ni Team Isko campaign chief Lito Banayo si Cebu 3rd District Congressman Pablo John Garcia para alamin ang pinsalang inabot ng lalawigan at binanggit na pupunta sa Cebu City si Isko upang personal na pangasiwaan ang tulong na ibibigay ng pamahalaang lungsod ng Maynila.
Sinusulat ito, wala pang malinaw na pagtaya sa inabot na pinsala ng bagyo sa Cebu.
Ayon kay Banayo, bagsak at sira ang mga linya ng koryente sa Cebu.
“Hopefully, power will be restored and the Cebu airport becomes operational again by next week.” sabi ni Banayo.
Sa pahayag ng Visayan Electric Company, Inc. (Veco) sa Facebook, nasa 95 porsiyento ng prangkisa nito ang nasira sa hagupit ng malakas na bugso ng hangin.
Kasalukuyang inaayos at sinisikap na maibalik ang serbisyo ng koryente ng buong lalawigan, sabi ng Veco.
Nagpapatuloy ang relief operations at sinisimulan na ang pagbubuo ng mga bahay na nasira ng bagyong “Odette,” sabi ni Banayo.
“Madali lang ang relief operations pero ang pinakamahirap ay kung paano matutulungan ang mahihirap na tao na nawalan ng hanapbuhay at nasira ang kanilang bahay,” sabi ni Banayo.