Advertisers

Advertisers

Matinding diskriminasyon vs. motorcycle riders

0 349

Advertisers

HINDI na bago sa ating pandinig ang nararanasang diskriminasyon ng mga motorcycle riders sa mga lansangan sa bansa.

Matagal na nila itong idinadaing.

Masasabing kabilang sa mga diskriminasyong ito ay ang mahinang implementasyon ng patakaran ukol sa motorcycle lanes.



Dapat kasi gawin na talagang exclusive ang linya nila.

Masakit isipin na hinuhuli ang mga riders kapag wala sa lane pero hindi sinisita ang mga kotse at iba pang sasakyan na pumapasok sa kanilang linya.

Kung titingnan din ang ilang batas at ordinansa, tila itinuturing silang kriminal, tulad ng riding-in-tandem ordinance sa Mandaluyong na ibinasura na ng Court of Appeals (CA).

Idineklara tuloy itong unconstitutional o labag sa Saligang Batas kasunod ng reklamo ng isang Atty. Dino De Leon.

Masyado raw mabigat ang P3,000 na multa o kaya’y tatlong buwang pagkakakulong o pareho laban sa mga lalaking magka-angkas sa motorsiklo.



Sa hatol ng CA, binanggit na oppressive o isang uri ng diskriminasyon ang pagbabawal sa mga lalaki na umangkas sa motor.

Hindi nga naman daw malinaw sa mga datos na ang mga riding criminals ay pawang mga lalaki.

Isa raw kasi si De Leon sa mga nahuli at pinagmulta kaya’t nagreklamo ito sa korte.

Kaya inatasan din ng appellate court ang Mandaluyong Local Government Unit (LGU) na ibalik sa mga motorista ang mga nakolekta nilang pondo sa pagpapatupad ng ordinansa.

Well, tunay ding paglabag daw sa equal protection clause ng Konstitusyon ang riding-in-tandem ordinance na iyon.

Sa halip daw na tiyaking ligtas ang mga kalsada at magkaroon ng mas komprehensibong programa para sa riders at lahat na rin ng mga motorista ay tila lalo pang pinahihirapan ang mga ito.

Siyempre, kasama rin sa mga diskriminasyong nararanasan ng mga nagmo-motor ay ang pagtutok sa kanila ng mga pulis na nakabantay sa checkpoint areas.

Sa pagpapakita raw ng matinding diskriminasyong ito, dapat may mga grupong nagsasalita para sa mga rider tulad na lamang daw ng Pasahero.

Ayon kay Atty. Homer Alinsug, tagapagsalita ng grupo, nakasanayan na raw sa mga police checkpoints na i-single out ang mga motorcycle riders o habal-habal, lalo na noong kasagsagan ng mas mahigpit na restrictions dulot ng COVID-19 pandemic.

Hindi nga naman kagagawan lamang ng mga naka-motorsiklo ang iba’t ibang krimen kaya’t mahalagang linawin daw ng Phil. National Police (PNP) ang sistemang ito.

Tama nga naman daw si Alinsug, nakapagtataka kung bakit nakasentro ang mga checkpoint operations sa mga motorsiklo at kadalasang ito na lamang ang inaabatan ng alagad ng batas.

Sabi nga, maituturing na diskriminasyon ang sistemang ito sa mga checkpoints dahil hindi na raw binibigyan ng kalayaang legal ang isang tao, tulad ng ibinibigay na kalayaan sa ibang mga motorista, na kaparis nila ay mayroon din namang lisensya.

Nawa’y ang grupong katulad ng Pasahero ay hindi lang din nagsasalita tuwing papalapit na ang Halalan 2022 dahil tumatakbo sila bilang partylist kundi sa lahat ng panahon na kailangan sila ng mga riders.

Ano sa palagay ninyo, mga giliw kong mambabasa?

* * *

PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!