Advertisers

Advertisers

Kapaligirang ligtas

0 1,639

Advertisers

MALAMIG na ang simoy ng hangin at halos ilang tulog na lang Pasko na. Humahaba ang tulog kahit hindi nakabukas ang aircon sa lamig ng simoy ng hangin na nagsasabing matulog at saka na ang gawaing iba. Sa pagdilat ng mata sa umaga masisilayan ang araw na tila tamad sa pagsikat na nagbabadya ng pagbalik sa higaan. Oops teka, may dapat tapusin at ang pagbabalik higaan ang larawan ng pambansang pamunuan na ang gawi’y matulog sa ilalim ng kulambo na naglalarawan ng kawalan ng malasakit sa bayan.

Huwag hayaan ang sarili na matalo ng katamaran at pag-aralan ang kaganapan sa kapaligiran dahil hindi ito pang habang panahong klima na mararanasan. Tulad ng liderato ng bansa, hindi maiiwasan na magbago ito sa takdang panahon, kaya huwag mangamba ngunit kailangang maghanda. Huwag alisin sa mata at pandama na ang klima sa bansa o maging sa buong mundo’y nagbabago at kailangan maging mapanuri’t handa. Ang pagtulong na mabawasan ang mabilis na pagbabago ng klima’y nakasalalay kung paano iniingatan ang mundo na pansamantala nating tirahan.

Naalala ang isang grupo na mang-aawit, ang Asin na nagpasikat ng awiting, Masdan mo ang Kapaligiran, noong dekada 70, binabangit sa awit ang maraming pang-aabuso sa kapaligiran na sanhi ng polusyon na lumalason sa hangin na nilalanghap ng sangkatauhan. At sa pagtakbo ng panahon, umunlad at dumami ang negosyo na naka angkla sa pagbabago at nawala ang tingin sa pagkaPinoy nito. Sa pag-unlad at paglago ng negosyo, dumami ang mga pabrikang nagbukas na bumubuga ng maruming usok na galing dito at humahalo sa nalalanghap nating hangin. Kaakibat nito ang paglago ng populasyon na kung papansinin malaking ambag sa pagtaas ng temperature ng kapaligiran dala ng mainit na singaw ng katawan, maging ng hiningang inilalabas sa ating bibig. Walang nagsasabi na nag-aambag ito sa pag-init ng kapaligiran subalit sa totoo lang ang paglago ng populasyo’y pag-init ng mundo.



Gamit ang pandama, masasabi na malaki ang pagbabago ng klima sa bansa’y at ramdam ito saan man lugar sa bansa. Sa panahon ng tag-init, mapapansin na ang karamihan ng kalalakihan sa mga kalunsuran na nakahubad maghapon at hindi mabilang kung ilang paligo ang ginagawa sa isang araw. Hindi sapat ang maghapon kung hindi nakatapat sa electric fan o sa aircon upang maibsan ang init. At kapansin pansin ang maraming tao ang nagkakasakit sa balat, stroke dahil sa init ng panahon. Hindi lang iyon, sa paglabas ng bahay at tumungo sa mga bansang may malawak na damuhan, kita ang mga damo’y nagkandatuyo.

Na malamang ang mga nabubuhay dito’y lumilisan upang maghanap ng ibang lugar na maaari nilang tirahan upang mabuhay. Dahil hindi magtatagal ang magkaroon o masunog ang lugar ay hindi malayo na lalong malaking perwisyo sa mga nakahimpil na buhay sa lugar. At siyempre, ang epekto nito sa tao na lumilinang sa sabayang pinagkakakitaan nito. Pansin ba ninyo na may kahabaan ang panahon ng tag-init sa bansa? At ito ang indikasyon ng nagbabagong panahon.

Silipin ang tag-ulan sa bansa, sa ngayon tila umigsi ang panahon ng tag-ulan sa bansa, ngunit ang tindi ng pag-ulan ang iniinda ni Mang Juan kung sumasapit ang panahong ito. Pag pumatak ang ulan sa isang lugar ng bansa, hindi mailarawan ang takot ng mga tao dahil sa hindi matawaran ang dami ng ibinuhos na tubig na literal na masasabing binabaha. Sa karaniwang pagtatala ng PAGASA, ang dami ng tubig na ibinubuhos sa lugar na may ulan sa isang araw ng pagbuhos lamang, kung isinusuma ito katumbas ng ilang linggo o buwan na panahon ng tag-ulan.

Sa dami ng tubig na ibinuhos, nariyan ang mga balita na maraming buhay ang nabuwis sanhi ng baha samahan pa ng pagragasa ng tubig na may kasamang troso o ibang malalaking bagay na sanhi ng pagkawala ng buhay at kabuhayan ng mamamayan. Ang masakit nito, tila sapat na sa pamahalaan ang magbigay ng mga relief goods o pansamantalang silungan sa mga bakwet at hindi sinasagot kung paano tutugunan ang nagbabagong klima sa bansa.

Bigyan larawan ang mga nabangit sa itaas, naalala nyo ba sina Undoy, Rolly at Yolanda. Ang mga bagyong tunay na mapaminsala na kumuha ng buhay ng marami nating kababayan. Mula Metro Manila, Bicol, kaBisayaan hanggang Mindanao, ininda ni Mang Juan o ng bawat lugar na tinamaan ang lupit ang mga bagyong ito na winasak ang buhay at kabuhayan ng maraming Pilipino. Malinaw na hindi kaya ng tao kung ang kalikasan ang naningil sa gawa ng tao na paninira ng kapaligiran. Hindi masama ang pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan, pero mukhang hindi natututo ang mga tao at patuloy na ibig ang pag-unlad subalit nakalimutan ang mundong tinitirahan.



Sa pag-init ng kapaligiran at pagdalaw ng malalakas na bagyo sa bansa, hindi pa kasama ang mga yelong natutunaw sa Antartika, malinaw na malaki ang usapin na kahaharapin ni Mang Juan sa darating na mga taon sa kanyang buhay. Usapin na kung paano lalabanan ang hagupit ng kalikasan na sanhi ng pag-unlad na walang pagtutuon sa kapaligiran at kalikasan. Ang ibinabalik ng kalikasa’y dapat pagtuunan at pag-aralan kung paano pagtugmain ang pag-unlad at ang proteksyon at pangangalaga sa kapaligiran.

Hindi matatawaran na lubhang mahal ang ngit-ngit ng kalikasan na mismong buhay ng mga tao ang kabayaran. Ang karanasan sa nakaraan ang gawing sangkalan o dibuho sa paglikha ng mga hakbang na ang panaho’y hindi kalaban sa halip isang patotoo na kasama ito sa mundo upang magbigay paalala na hindi lang tao ang nilikha ni Bathala. Huwag alisin sa isip na ang bawat isa sa mundo’y magkakakawing at hindi dapat balewalain. Ang pag-unlad na umaayon sa kalikasan ang siyang isagawa ng ang mundo ‘di maiwan ng nagiisa.

Ang bayang ito’y iisa at ariing sariling atin, ang pagpapahalaga sa tao, sa hayop at ibang nilikha’y uri ng pagmamahal na magbibigay sa atin ng tamang patunguhan sa hinaharap. Ang paglago ng kabuhaya’y iakma sa kaganapan ng panahon. Huwag unahin ang pansariling kagalingan, ang makipag-ulayaw sa kalikasan ang maglalayo sa atin sa ngit-ngit at kapahamakan ng inang panahon. Mahalaga na ipakita sa kalikasan na kaisa tayo sa pagpapanatili ng kapaligiran ligtas para sa lahat. Kapaligiran na ang bawat isa’y may ambag sa kagalingan at ang pagkawasak nito’y itatakwil.

Sa lahat na may pagmamahal sa kapaligiran, iwaksi ang mapaminsalang gawain, sa halip alagaan ito para sa kinabukasan. Ang pangangalaga nito’y pangangalaga sa sarili at sa salinlahi. Ang mga simpleng gawain tulad ng pagtatanim ng punong kahoy at ‘di pagputol nito, pag-iwas sa pagsunog ng dahon o ang simpleng paglalakad o pagbibisikleta sa halip na gumamit ng di-gasolinang sasakya’y malaking ambag sa kagalingan pangkapaligiran. Ang kapaligirang ligtas ang tulay sa kinabukasan.

Maraming Salamat po!!!