Advertisers
KUNG ako lang, ang gusto ko maging pangulo at senador ng bansa ay ‘yaong mga kandidato na tunay na may pusong manggagawa, layuning iangat ang kabuhayan ng bawat trabahador at mga magsasaka.
Tulad nitong presidential aspirant na si Leody de Guzman, isang lider manggagawa na madalas natin makita sa kalye at isinisigaw ang kanilang mga disgusto kapag may mga programa o polisiya na nakakaapekto sa kabuhayan ng ordinaryong mamamayan ang gobyerno.
Si Ka Leody ay kumakandidato sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa. Isa sa mga layunin niya sa pagtakbo ay ang alisin ang manpower agency, wakasan ang contructualization, itaas ang sahod ng trabahador ng lagpas P1K kada araw, at pangasiwaan ng gobyerno ang pamamahala sa kuryente, telcos, tubig at langis.
Ito raw kasi ang ipinangako sa kanila (labor groups) ng mga nakaraang administrasyon hanggang ng kasuluyang pamahalaang Duterte na aniya’y hindi namannagawa. Na-goyo daw sila. Hehehe…
Bagama’t napakahirap ng kanyang laban kontra sa mayayamang presidentiables na ang iba’y trapo at mga may bahid pa ng pandarambong at pang-aabuso, ginigising ni Ka Leody ang mga manggagawa na magkaisang maghalal ng kandidatong tunay na may pusong trabahador. Siya iyon!
Nang ating tanungin kung siya ba’y handa umatras sa kanyang kandidatura sakali na hikayatin siya ng isang malakas na presidentiable na sumanib at i-adopt ang kanyang platapormang pangmasa, sinabi ni Ka Leody na “nagoyo na ako ng mga nakaraang presidente, tulad ni Duterte, hindi na ako papayag na malinlang pa ngayon.”
Sa kanyang mga kalaban, sinabi ni Ka Leody na si Vice President Leny Robredo ang okey sa kanya dahil pareho sila ng programa sa mga manggagawa.
Ganito rin ang misyon ni RJ Javellana sa pagtakbong senador sa ilalim ng partidong Katipunan ng Demokratikong Pilipino ni presidentiable retired military General Antonio Parlade.
Sabi ni Javellana, kapag nahalal siyang Senador, unang gagawin niya sa Senado ay isulong na maibalik sa gobyerno ang pangangasiwa sa tubig at kuryente na negosyo ngayon ng oligarko.
Si Javellana ay schoolmate ko sa Lyceum of the Philippines (Lyceum University ngayon) kungsaan naging student leader siya at kung hindi ako nagkakamali ay naging most outstanding student din siya noon.
Wish ko manalo si RJ sa Mayo 9, 2022. Maprinsipyo siyang tao. Magiging mabuting mambabatas siya kapag napunta sa Senado. Yes!
***
Update sa petition laban sa kandidatura ni presidential aspirant Bong Bong Marcos Jr.:
Binigyan ng Comelec ng limang araw ang unang petitioners (human rights groups) at kampo ni BBM na magsumite ng memoranda bago maglabas ng desisyon kung papayagan si Marcos Jr. lumahok sa halalan o disqualified ito dahil sa paglabag sa Tax Code, hindi pagbabayad ng tax ng ilang taon noong Gobernador at Bise Gobernador siya sa Ilocos.
Hindi pinagbigyan ng Comelec na makakuha ang petitioners ng certified copy ng mga binayarang buwis ni BBM.
Hindi rin pinayagan ng Comelec ang kampo ni BBM na magkaroon ng face-to-face oral arguments.
Si BBM ay convicted sa tax evasion case ng Quezon City RTC Branch 105.
Ang desisyon sa petition vs BBM candidacy ay malamang mailalabas ng Comelec bago magsimula ang kampanya sa Pebrero.
Abangan!