Advertisers

Advertisers

PAG-ASENSO IDEDERETSO SA KANAYUNAN NG GOBYERNONG MORENO

0 337

Advertisers

KAILANGAN na sa paglago ng ekonomya ng mga lungsod at sentro ng komersyo ang mga kanayunan. 
 
Kung paano ito mangyayari, sinabi ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa mga kamiting sa La Paz public market na magbubuhos siya ng malaking badyet para maumpisahan ang pagtatayo ng maraming impraestruktura tulad ng mga tulay, kalsada, irigasyon, pangisdaan at iba pang gawaing makatutulong sa pagdami ng industriya. 
 
Pinansin ni Yorme Isko – kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko – na sa mga siyudad at katabing lugar nadarama ng taumbayan ang paglago ng ekonomya, pero ang malalayong lugar, lalo na sa Visaya at Mindado, “napag-iwanan sila ng kaunlaran.” 
 
“Natutuwa ako na makita ang mga infrastructure development sa ilang probinsiya, pero marami-rami ang kulang, walang irrigation, kulang ang tulong sa agriculture, fisheries o kaya mga industriya na mapagkukuhanan ng hanapbuhay at ikabubuhay,” pansin ni Yorme Isko. 
 
Kung sa awa ng Diyos ay manalong pangulo, mamumuhunan siya sa tao, maglalaan siya ng pondo para mapaunlad ang malalayong lalawigan at barangay. 
 
“Kung gagastusan natin ng piso ang Metro Manila, hindi ‘yon gaanong mararamdaman, pero kung ang piso na iyon ay gagastusin sa mga lalawigan, ang laki ng ibabalik niyon na pakinabang. Magkakaroon ng malaking pagbabago at kaunlaran sa mga lugar na iyon,” paliwanag ni Isko. 
 
Lalong tumatak sa isip ng 47-anyos na kandidatong pangulo ang malaking pangangailangan na magbuhos ng salapi para mapalago ang kabuhayan sa mga kanayunan nang bumisita siya sa bayan ng San Joaquin sa Iloilo at sa Antique na isinilang at lumaki ang kanyang ama. 
 
Nitong nakaraang Martes, December 14 ay umatend si Yorme Isko sa reunion ng mga kaanak ng amang si Joaquin Domagoso sa Iloilo at Antique. 
 
Nakita ko talaga kung bakit nagpunta ang tatay ko sa Maynila. Talaga palang napakahirap ng buhay sa bundok,” sabi ni Yorme Isko. 
 
Kung mapapaunlad ang kanayunan, bibilis ang paglago ng ekonomya ng buong bansa, at mababawasan ang pagitan ng mahihirap at mayayaman, paliwanag ni Yorme. 
 
Kung siya ang pangulo, agad niyang isusulong ang programa ng gobyerno sa ilalim ng Bilis Kilos 10-Point Agenda, na dito, mas uunahin ng Moreno presidency ang pagkakaloob ng serbisyo na tutugon sa pangunahing kailangan at serbisyo ng dekalidad na edukasyon, maaasahang tulong medikal, at maraming oportunidad sa trabaho at lantad sa bayan na pamamahala. 
 
Itutuloy niya, sabi ni Yorme Isko ang Build, Build, Build Program ng gobyernong Duterte para makalikha ng maraming trabaho at hanapbuhay. 
 
“Magtatayo po tayo ng murang pabahay, mas maraming ospital publiko, mga public schools, sa aming Build, Bulld, Build program, maraming trabaho, maraming opportunities para mabuhay,” sabi ni Yorme Isko
 
Plano ng kanyang gobyerno, pangako ni Isko, ang pagtatayo ng mga kalsada at tulay na tatawid at magdurugtong sa malalaking isla ng Pilipinas. 
 
Sa ganito, aniya, magiging mabilis ang pagdadala at pagpapalitan ng mga produkto at serbisyo, dagdag ang pakinabang ng masiglang pagbisita ng mga lokal at dayuhang turista sa bansa. 
 
Bibilis at sisigla ang pagdami at paglaki ng maliliit na negosyo at industriya, sabi ni Yorme Isko at “makalilikha at makapagbibigay tayo ng maraming maraming trabaho at hanapbuhay mula sa micro, small and medium industries (MSMEs).” 
 
Bago gumawa ng mga programa, kukunsulta muna sa taumbayan ang gobyerno niya, sabi ni Yorme Isko. 
 
“Uunahin ng ating gobyerno ang kapakanan at interes ng tao, ito ang magiging puso ng aking presidency,” aniya. 
 
“Taumbayan, tao muna ang uunahin at pamumuhunanan natin,” pangako ni Yorme Isko.