Advertisers

Advertisers

Kulang sa anggulong espirituwal ang mga pagkilos sa trahedya

0 280

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Napapariwara, napapahamak, ang aking bayan dahil sa kamangmangan…” (Hosea 4:6, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

MGA PILIPINO AT MGA TAO SA MUNDO, WALANG UNAWA AT TALINO SA PAG-IWAS SA KAPINSALAAN AT KAMATAYANG DULOT NG MGA BAGYO AT BAHA: Nakakalungkot ang patuloy na kawalan ng unawa at talino ng mga Pilipino kung papaanong mababawasan ang kapinsalaan at kamatayang dulot ng mga trahedya sa kalamidad sa kalikasan, gaya ng kapinsalaan at kamatayang bumulaga sa Pilipinas matapos manalasa ang bagyong Odette noong nakaraang linggo.



Ayon sa mga naglalabasang ulat sa social media hapon ng Lunes, Disyembre 20, 2021, halos 210 tao na ang mga namatay sa bagyo, samantalang grabe ang pinsalang tinamo ng mga gusali, pananim, alagang hayop, tulay, at mga kalsada sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao.

Sa harap ng lahat ng ito, ang tanging inirereklamo ng marami ay ang kawalan ng kahandaan ng pamahalaan, pambansa, at lokal sa mga lunsod, lalawigan, at bayan, upang agarang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong mamamayan.

Ang problema sa ganitong kaisipan ng mga bumabatikos sa gobyerno ay ang katotohanang hindi naman talaga nakakasapat ang mga paghahanda ng mga opisyales ng pamahalaan, pambansa man o sa hanay ng mga local government units, kahit pa gumagastos na sila ng bilyones sa pondo ng bayan.

-ooo-

MGA PAGHAHANDA NG GOBYERNO, PAMBANSA MAN O SA LOKAL NA PAMAHALAAN, LABAN SA MGA BAGYO AT ULAN LAGING KULANG KASI WALANG KASAMANG ANGGULO NG ESPIRITUWALIDAD: Kulang pa din ang mga paghahandang ito dahil hindi lamang naman ang mga pangangailangan sa evacuation centers, food packs, gamot, at kung anu-ano pang mga kailangan upang makabangon ang mga tinamaan ng matitinding mga bagyo.



Ang higit na dapat pinaghahandaan at pinag-aaralan ng gobyerno at ng buong sambayanan ay ang tunay na solusyon sa epekto ng mga trahedyang kalamidad. Sa daily radio-online morning show na 21 Minutos Mas o Menos noong umaga ng Lunes, Disyembre 20, 2021, binigyang-pansin ng mga hosts ang tunay na solusyong ito.

Ayon kina United Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, at Atty. Batas Mauricio, ang katotohanang dapat malaman ng lahat sa mga malalakas na ulan, matitinding baha, at grabeng lakas ng mga hangin, at pati na ang global warming at climate change, ay itinakda ng mangyayari sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya.

Partikular na tinukoy nila ang sinabi ni Jesus sa Mateo 7:24-27, at Deuteronomio 28:15, 22-24. Sa mga bahaging ito ng Bibliya, ayon sa mga hosts ng 21 Minutos Mas o Menos, may sinasabing dahilan kung bakit may mga ganitong trahedya mula sa kalikasan.

-ooo-

SOLUSYON SA MGA EPEKTO NG ULAN AT BAHA: PAKIKINIG AT PAGSUNOD SA SALITA NG DIYOS: Magkaganunman, nakasaad din sa mga bersikulong ito ang kalutasan ng nasabing mga trahedya, kundi man upang mapigilan o mapahina ang mga ito, ay malimitahan naman ang kamatayan at kapinsalaang dulot ng mga ulan, baha, at hangin.

Binabanggit dito na tiyak na darating ang ulan, baha, at hangin pero ang mga tao na nakikinig at sumusunod sa mga Salita ng Diyos ay hindi mapapariwara o mapapahamak. Ganundin, sinasabi ng mga ito na ang global warming ay bunga ng pagtanggi ng tao na makinig at sumunod sa mga utos ng Diyos.

Sa lahat ng ito, lumilitaw na ang solusyon sa mga trahedya ng kalamidad ay ang pakikinig at pagsunod sa mga utos ng Diyos sa lahat ng sandal. Ayon sa Deuteronomio 28:1-2, 12: “Kung pakikinggan at susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa…”

Kasama sa mga pagpapalang ito ang nakasaad sa Deuteronomio 28:12: “… Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh… Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan…”

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.