Advertisers
Dinampot ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang 30 indibidwal sa naganap na riot ng mga kabataan sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw.
Sa nasabing bilang, kapwa menor de edad ang 27 sa kanila na dinala na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development – Recreation Action Center.
Dinala naman ang tatlong iba pa na nasa hustong gulang sa presinto para sa imbestigasyon.
Ayon kay P/Lt.Col.Harry Ruiz Lorenzo lll , Commander ng MPD – Jose Abad Santos Police Station 7, sumiklab ang riot ng magkabilang grupo 4:30 ng madaling araw sa panulukan ng Solis St., at Dagupan Ext. sakop ng Brgy.165 sa Tondo.
Maagap namang nakaresponde ang mga tauhan ng MPD-Station 7 partikular ang Tactical Motorized Reaction Unit (TMRU) at mga tauhan ng Hermosa Police Community Precinct kaya isa-isang binitbit ang mga menor mula sa magkabilang grupo.
Narekober ng mga awtoridad ang dalawang patalim, isang icepick at isang balisong, dalawang improvised bomb o pillbox at apat na paputok.(Jocelyn Domenden)