Advertisers
MAKASAYSAYAN ang pagtatapos ng klasikong Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League.
Naisalpak ni Philip Manalang ang three-pointer sa buzzer para sandigan ang Basilan-Jumbo Plastic Medical Depot sa makapigil-hiningang 83-80 panalo laban sa Nueva Ecija sa overtime at tanghaling kauna-unahang kampeon sa Invitational meet ng MPBL bilang isang professional league sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Bukod sa kampeonato sa liga na sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB) at itinataguyod ng Chooks-to-Go at TM, nagkakahalaga ng P2 milyon ang three-pointer ng dating pambato ng University of the East, na tinanghal ding Finals MVP.
Tunay na espesyal ang tira ni Manalang na 0-of-8 sa three-point area bago ang krusyal na sandali may 1.9 segundo ang nalalabi at tabla ang iskor sa 80-all.
“For me, the win tonight is God-given,” pahayag ni Basilan head coach Jerson Cabiltes, kauna-unahang winning coach sa pro-era ng MPBL at tinangahl ding ‘Ato Badolato Coach of the Tournament’.
“So talagang gusto naming makuha ‘to dahil yun nga, nine months ago we were in this situation and hindi kami napagbigyan and then ito pala yung balik na biyaya samin ng Panginoon,” aniya.
Nakuha ng Rice Vanguars ang bentahe sa 74-73 matapos ang three-pointer ni Byron Villarias may 26 segundo sa regulations. Nakakuha ng foul si Michael Juico at naisalpak ang isang free throw para sa overtime.
Hataw sina Encho Serrano, Juico, Jay Collado at Jonathan Uyloan sa naiskor na tig-15 puntos, habang kumana si JR Taganas ng 17 rebounds at siyam na puntos.
Nanguna si tournament MVP Michael Mabulac sa Nueva Ecija sa natipang 24 puntos at 11 rebounds, habang nagsalansan si Justin Gutang ng 13 puntos at tumipa si Villarias ng 10 puntos.
Ginapi naman ng Pasig-Sta. Lucia ang mus-Buracai de Laiya, 100-80, para sa ikatlong puwesto.
“After ng game siyempre masama yung loob namin, gusto rin naming pumasok ng finals. Ang nangyari, sa [group chat] namin nag usap naman, inistart ni cap [Jeric Teng] na bounce back kami today so nag follow na lang yung ibang players,” pahayag ni Pasig head coach Bong Dela Cruz.
Nakuha ng Basilan, winalis ang group B elimination at dalawang crossover stage, ang P2 milyon premyo mula sa Chooks-to-Go. Nagbigay naman ng P1 milyon bonus ang Jumbo Plastic at P100,000 ang Medical Depot.