Advertisers
PINAYAGAN na muli ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng open-pit mining.
Sa bisa ng Administrative Order 40 ng DENR na ipinalabas ni Secretary Roy Cimatu, kanyang pinapawalang bisa ang naunang kautusan na pagbabawal ng pagmimina ng copper, gold, silver at mga complex ores sa bansa.
Paliwanag pa ni Cimatu na ang nasabing hakbang ay makakatulong sa ekonomiya at industriya ng pagmimina.
Dagdag pa ng Kalihim na isinasagawa ang open-pit mining sa buong mundo kaya ito ay legal.
May mga makabagong pamamaran aniya ngayon na ipinapatupad para maiwasan ang negatibong impact ng nasabing open-pit mining.
Tinitiyak ni Cimatu na may mga batas na ipinapatupad para hindi maabuso ang nasabing uri ng pagmimina.
Samantala, muli na ring pinayagan ng tanggapan ni Cimatu na muling buksan sa publiko ang kontrobersiyal na Dolomite Beach sa Roxas Boulevard na naunang ipinasara ng DENR bago ang Kapaskuhan.
Ang muling pagbubukas sa publiko ng nasabing beach ay una nang tinutulan ng lokal na pamahalaaan ng Maynila sa pangunguna ni presidential aspirant Isko Moreno Domagoso dahil marami umanong health protocols na nalabag sa pagbubukas sa publiko ng Dolomite Beach.
Reklamo ni Isko, di man lamang sila kinonsulta ng DENR sa pagbubukas ng nasabing pet-project ni Cimatu.
Ang hindi lamang natin matiyak ay kung may kasunduang nabuo o usapan sa pagitan ng DENR at Manila City government sa pagkakataong ito.
Dinagsa ng tao ang pagbubukas ng Dolomite Beach na sadya namang kinasabikan at kinagiliwan ng marami sa ating mga kababayan dito sa Metro Manila at mga karatig na probinsiya.
Speaking of Dolomite Beach at iba pang lugar na tiyak na pupuntahan at dadagsain ng ating mga kababayan ngayong weekend kasabay ng pagdiriwang at pagsalubong sa Bagong Taon ay ang Rizal Park (Luneta) na pangunahing pinatutunguhan ng mga tao tuwing New Year’s eve o mismong araw ng Bagong Taon.
May mga inilatag nang health protocols ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan partikular na ang Depoartment of Tourism (DOT) na may hurisdiksyon sa nasabing pambansang parke.
Ayon naman sa Manila Police Traffic Enforcement Unit, isasara sa motorista ang stretch ng Roxas Blvd. simula ika-30 ng Disyembre, para sa selebrasyong Rizal Day hanggang Enero 2,2022 kung kaya pinapayuhan ang lahat na humanap ng alternatibong daan sa mga araw na nabanggit.
Inaasahan ding dadayuhin at dadagsain ng mga Pinoy ang mga malls partikular na ang SM MOA sa Pasay City na may naka-schedule ng fireworks display sa gabi hanggang madaling-araw ng a-Uno ng Enero.
Posibleng umabot ng milyong katao ang magtutungo sa MOA na pamoso sa sea front view nito at kinaroroonan ng maraming kainan at recreational facilities gaya ng rides para sa mga bata.
Isang Payapa,Ligtas,Malusog at Masagang Bagong Taon 2022 po ang marubdob na pagbati ang ating ipinararating sa inyong lahat!
Welcome 2022, Year of Water Tiger!
***
PARA SA INYONG KOMENTO, REAKSYON AT SUHESTIYON, MAGTEXT O TUMAWAG LAMANG SA CP. 0917-823-9628 O MAG-EMAIL LAMANG PO SA mhelbaraquiel1027@gmail.com