Advertisers
PISAK ang ulo ng 79-anyos na siklista nang magulungan ng isang trailer truck sa Pulilan, Bulacan.
Kinilala ang biktima na si Rolando del Rosario, 79, residente ng Barangay Sto. Cristo, Pulilan.
Sa ulat, sakay ng kanyang mountain bike ang biktima nang mabangga nito ang signage ng simbahan. Nabuwal ang biktima at nahandusay sa kalsada at tiyempong nagulungan ng trailer truck na minamaneho ni Renan Pelayo, 30, ng Barangay Tangos, Baliuag, Bulacan.
Ayon sa ulat ng Pulilan Police, nangyari ang malagim na aksidente 8:10 ng umaga ng Martes sa Pulilan-Calumpit National Road, Barangay Poblacion Pulilan.
Sa kuha ng CCTV sa lugar, nakitang nabangga ng siklista ang signage ng simbahan kaya bumuwal ito sa kaliwang bahagi ng kalsada at aksidenteng nasagasaan ng kasunod nitong trailer truck.
Bagama’t agad naisugod ng mga rescuer ang siklista sa pinakamalapit na ospital, idineklara itong dead on arrival dahil napisak ang ulo nito.
Kusang-loob na sumuko sa pulisya ang truck driver. Nakipag-ugnayan narin ang may-ari ng truck sa pamilya ng biktima.
Nakadetine na sa himpilan ng pulisya ang driver ng trailer truck na mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.