Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor Isko Moreno na magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng liquor ban mula Enero 8 hanggang 10, kasunod nang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.
Sa isang pulong balitaan nitong Miyerkules, sinabi ni Moreno na nilagdaan na niya ang isang executive order na nagbabawal sa pagbebenta ng nakalalasing na inumin mula alas-6:00 ng gabi ng Enero 8 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 10.
“I just signed an executive order prohibiting the sale of liquor and other alcoholic beverage beverages and directing to strictly implement Ordinance 5555 sa panahon ng kapistahan ng Nazareno,” ayon sa alkalde.
Kasabay nito, pinasalamatan ng alkalde ang pamunuan ng Quiapo Church dahil pinagbigyan nito ang kahilingan ng pamahalaang lungsod na kanselahin muli ang tradisyunal na Traslacion ngayong taong ito at wala ring physical masses na isasagawa.
Pumayag ang pamunuan ng Quiapo church na sa halip na magkaroon ng physical masses ay magdaraos na lamang sila ng online masses upang maiwasan ang posibleng pagkalat pa ng COVID-19.
Ayon sa alkalde, mabigat sa kanyang kalooban ang naturang desisyon dahil nakaugalian na ang pagdaraos ng Traslacion at mga banal na misa tuwing pista ng Nazareno, ngunit binigyang-diin na kailangan itong gawin para sa kaligtasan ng lahat, partikular na ng mga deboto at ng kani-kanilang pamilya.
Una nang inianunsiyo ng Quiapo Church na sarado ang kanilang simbahan mula Enero 3 hanggang 6, 2022 dahil sa patuloy na pagdami ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa. (ANDI GARCIA)