Advertisers
MANIGONG Bagong Taon sa lahat, ang pagbati bang ito’y magpapatuloy ngayong pumasok na ang ’22? Sa pagtatala, mananatiling pagbati’t walang batayang masabi na magiging mabuti ang buhay ng Pinoy lalo’t hindi masawata ang pandemya sa kawalan ng disiplina ng iilan na ginagamit ang konting meron upang maipagpatuloy ang bagay na nais. Ang masaklap walang bigat ang batas na tuwirang isinantabi ng iilan na nakakaapekto sa marami. Ang resulta mas mataas na alert level, restriction, pagbagal ng ekonomiya at dagdag na gastusin sa lahat dahil sa kawalan ng disiplina ng iilan.
Papasanin ba ng salarin ang maraming bagay na nabangit o charged to experience dahil sa mismong pagluluwag ng pamahalaan sa health protocol sa ngalan ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa. Hayan sinubok tayo, sa halip na ganansiya disgrasya ang resulta. Sa totoo lang malaki ang pasanin ng pamahalaan sa pagluwag sa panuntunan ng health protocol at hinayaan ang Pilipino na magdiwang ng pasko’t bagong taon ayon sa kanilang pagnanais. Resulta, takas, pagtaas ng dami ng C19, gastusin at pasanin ni Mang Juan.
Sa pagpasok ng ’22, malungkot ang mga hula o prediksyon dahil hindi pa man tapos ang huling buwan ng ’21, garbo na ang dating ng pandemya na tila apoy na biglang nagliyab sa bansa at hirap mapigilan. Malungkot ang hanap buhay ng maraming Pinoy lalo ang mga hulahups ng Quiapo sa kadahilanang wala itong masasabing maganda sa hinaharap ni Mang Juan. Ipagpapatuloy ang kawalan dahil walang batayan na magbangit na may nakikitang magandang kapalaran sa susunod na araw, linggo o buwan.
Walang inilatag na basehan bumanggit ng magandang takbuhin ng buhay dahil sa baraha’t bolang kristal ito ang lumalabas, madilim na bukas. Lahad na ang nakatakda, ang patuloy na paghihirap o higit pang paghihirap sa kawalan ng hakbang ang pamahalaan upang masabi na susulong ang bansa sa ’22. Sa totoo lang, itinali ng pandemya ni Totoy Kulambo ang bansa simula ng ito’y maupo sa Balite sa Malacanan. Isa itong masamang sumpa na pinasan ni Mang Juan, Mang Rod, Aling Marya at balana. Tunay na nagkamali, ngunit ang tanong matatapos ba ito sa kapapasok na taon? May aasahan bang pagbabago o patuloy na kahirapan tulad ng nakasaad sa kumakalam na sikmura?
Sa pagtaya ng kabuhayan ni Mang Juan sa takbuhin sa ’22, malinaw ang batayan na walang pag-angat na magaganap na pagbangon sa kabuhayan sa halip ang pagdausdos pa dahil sa kapabayaan ng pamahalaan na inuna ang sarili sa halip na ang bayan. Sa nahagip ng bagyong Odette, mas malabong makaahon ang kabuhayan kung aasa sa hakbang ng pamahalaan na kasing bagal ng lakad ni Totoy Kulambo. Walang inaasahang paglago, makakatayo subalit ang maibalik sa kalagayan bago ang bagyong Odette medyo may kahirapan, ngunit umaasa. Sa bagay na pagtayo ng kabuhayan, ang kawalan ng balangkas at ayuda ng pamahalaan lalo’t sa pansamantalang tulong na dumaan pa ang ilang araw bago makarating kay Mang Juan ang inaasahang ayuda, malamang ganito ang larawan ng kawalan sa kinabukasan.
Hindi dapat umasa sa pamahalaan si Mang Juan sa halip ang sariling pagsisikap ang gamitin sa pagbangon. Dahil sa pagbabalik nito sa kanila, ang dala nito’y kandidato kalakip ng ayuda. Sasamantalahin ang sitwasyon ng muling mahulog si Mang Juan sa kumunoy ng pangangailangan, kahirapan at kawalang pag-asa na siyang nais ng buktot na Inferior Dabaw Group.
Sa ngayon, halalan ang prayoridad ng pamahalaan at ang kalagayan ng maraming napinsala ni Odette ang tila malaking kalamangan kontra sa sino mang kalaban dahil hawak nito ang kaban ng bayan. At ito ang titiyakin ng mga buktot na magagamit ang sitwasyon upang lumayo agwat sa mga survey ng manok nila sa halalan. Sa pagbasa ng sitwasyon ang pagbibigay ayuda’y magandang dahilan upang maengganyo si Mang Juan na pumihit sa panig ng lumaki ang mapakinabangan lalo sa ayuda. Na sa totoo lang, tungkulin ng pamahalaan na ibangon ang kabuhayan ni Mang Juan, at ito ang mandato na dapat tuparin.
Eh mukhang pininturahan pa ng politika ang pagdalaw ng abalang pangulo sa isang lalawigan sa Bisaya na walang iniwan kundi pangako. Habang o’ samantala ang grupo ng isang kandidato’y nag-iwan ng milyong halaga na galing sa kabang bayan o sa sako-sakong salapi na dinugas sa bayan. Malinaw na ginagamit ang sitwasyon pabor sa kanila. Huwag mag-alala, mulat na si Mang Juan…
Sa totoo lang, patuloy ang pagkawala ng kabuhayan ng hula hoops sa Quiapo ng manungkulan si Totoy Kulambo bilang lider ng bansa ito’y dahil basado ng bayan ang kilos nito na mailalarawan kahit walang bola o baraha. Maging ang kalikasa’y sumasang-ayon na walang magaganap na pagtaas sa kabuhayan ni Mang Juan, nasalot ang bayan mula ng maupo ito sa Puno ng Balite ng Malacanan.
Hindi makita ng mga hulahups na sasapitin ng bansa ang ganitong sumpa. Ang umasa na magiging positibo ang takbo ng buhay’ sa darating na mabilis na panaho’y tila bulag na naghahanap ng aspili sa kadiliman. Ang kawalan ng paghahanda at pagtaguyod sa sariling pakay ang malinaw na indikasyon na wala sa isip ng IDG ang Pinoy. Ang paghahanda sa pagdating ng anumang sakuna’y di nagawa o magawa paano pa ang mas komprehensibong balaking bayan. Ang uri ng liderato na reactive sa halip na proactive ang dahilan kung bakit ‘di dapat umasa si Mang Juan. Matuto na kaya at may pag-asa pa?
Basehan ng Batingaw, ang sariling pagdaranas, sa tanong na kung may pag-asang makaahon ang bansa sa kinasasadlakan, meron kung si Mang Jua’y matututo sa karanasan at sa karanasan. Natuto na siya’y isinasakay sa tsubibo ng pambobola upang mahilo’t ‘di naka pag-iisip, na nag dulot ng patuloy na paghihirap mula sa pamahalaan na bagsak ang moral at kawalan ng plano o balak sa bayan.
Ang manatili na pumapalakpak sa mga panglililo’y nakakabahala para sa kinabukasan na maglalagay sa kanila sa parehong sitwasyon. Sitwasyon na kami ang sagana bahala na ang balana. Subalit, kung magiging mulat sa kalagayan at sasamahan ng konting pandama, dapat simulan ang sitwasyon ng pagpili ng tamang lider ang tutuldok sa kahirapan.
Kung hindi matututo sa kinasapitan huwag umasa na ang isang Boy Pektus ang mag-aahon sa bansa sa kahirapan. Walang kredibilidad na mapanghahawakan, ang lahat ng ipinakitang kredensyal nito’y pawang huwad. Huwag umasa sa huwad, kahit ang bola at baraha ng mga hulahups sa Quiapo’y hindi mabasa kung ano ang meron ito. Mang Juan kung mayroon pagmamahal sa sarili, sa bayan ang magpasya ng tama at ‘di magpabola’y sapat at malaking ambag sa pagbabago ng bayan ‘di lang sa ’22 kundi sa mas mahabang panahon.
Sa pagbangon ng kabuhayan huwag iasa sa pamahalaan, maging bahagi sa gawain dahil ikaw, ako, tayo ang may pakinabang. Ilakip ang sarili sa gawaing panlipunan na hindi nadama ni Mang Juan sa liderato ni Totoy Kulambo na inuna ang dayuhan sa halip ang kababayan. Malinaw na nasa kamay mo Mang Juan, Mang Rod, Aling Marya at balana ang kinabukasan ng bayan. Ang mga hula’y walang basehan, samantalang ang iyong karanasan ang guro sa kinabukasan. Ang gutom at hirap na nadama isama ang nakitang kapabayaan ng pamahalaan sapat na para sa tamang pagpapasya. At ang hula sa ’22, babangon ang bansa sa tamang pagpapasya, piliin ang lideratong may utak at puso…
Maraming Salamat po!!!