Advertisers
BAD news ba o good news? Ang alin? Ang muling “pagsasara” ng Baguio City sa mga nais magbakasyon sa kilalang “Summer Capital” ng bansa, para magpalamig lalo na ngayong panahon ng amihan.
Marahil bad and good news ang pangsamantalang ginawang pagsara ng pamahalaan lungsod. Bad news sa mga matagal nang nagpaplanong makaakyat muli sa Baguio at lalong bad news din sa mga negosyante ng lungsod lalo na sa mga manggagawa.
Sa kabila naman nito, masasabi pa ring good news dahil ang hakbangin ay para na rin sa kaligtasan ng lahat – hindi naman siguro lingid sa atin kaalaman ang dahilan ng muling pagsara ng lungsod sa mga turista.
Enero 2, 2022 nang ipag-utos ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang pagsara dahil sa banta ng COVID 19 – rumaarangkada na naman ang bilang ng mga nahahawaan ng “veerus” …sinara rin ito dahil sa banta ng Omicron.
Pero kahit na papaano ay may nalalabi pang good news dahil iyong mga nakapagrehistro na sa Visita Baguio bago ang pagsuspende noong Enero 2, 2022 ng pagtanggap ng reservation ay maari pang umakyat at magbakasyon sa Baguio. Ayos ba? Pero alalahanin natin, ibang klase ang Omicron. Ingat-ingat lang.
Sa ngayon o simula nitong Enero 2 ihininto na muna ng Visitor Information and Travel Assistance (Visita) ang pagtanggap ng aplikasyon mula sa mga turista na nais magbakasyon sa lungsod.
Pero kahit na papaano ay mayroon pa ring “buhay” sa Baguio – kasi iyong nakapagreserba na at aprubado na ng Visita ay maari pa ring umakyat. Puno na rin ng approved booking ang mga hotel sa Baguio – simula ngayon Enero hanggang Marso. Silang mga naaprubahan nab ago ang suspension ay makakaayat pa rin ng Baguio pero hintay-hintay muna kayo kung kailan.
Kung susuriin, ang hakbangin ng Baguio City government ay para na rin sa lahat- lalo na sa mga mamamayan ng lungsod – maiwasan ang pagpasok ng Omicron at masawata ang pagkalat.
Nice move Mayor Magalong, ganoon din sana gawin sa bansa, isara na muna pangsamantala ang mga pasukan at lagusan. No travelers muna tulad ng ginawa ng ibang bansa.
Sa kabila naman ng pagsasara sa mga turista, mayroon pa rin mga masasayang negosyante sa lungsod. Hindi kasi ipinapasara ang kanilang mga negosyo o hindi man lang sinasalakay o hinuhuli ng Baguio City Police sa kabila ng ilegal ang mga negosyong ito. Tinutukoy natin mananatiling abot-tenga ang kanilang mga ngiti ay ang mga local gambling lord ng lungsod, Mga nagpapatakbo ng ilegal na sugal. Yes, sarado ang Baguio sa mga bakasyunista pero open na open pa rin ang mga pasugalan sa Baguio City para sa local na mananaya.
Pero gaano kaya katotoo na tuloy na tuloy pa rin ang operasyon ng mga pasugalan kahit na masasabing isa sa mitsa ng pagkakalat ng virus ang mga pasugalan na ito?
Ayon sa info, tuloy pa rin ang mga palarong drop ball ni alyas Nestor sa Kayang St. na wala pang kalahating kilometro ang layo sa tanggapan ng BC Police Office maging sa PCP na nasa Kayang St. din. Ang lugar na pinupuwestuhan ni alyas Nestor ay “nabili” na niya yata dahil wala nang ibang makapupuwesto dito – tanging siya lang ang may Karapatan.
Si alyas Toyoy naman ang hari ng Plaza – magsara na ang lahat sa Baguio para sa mga turista pero, mananatili pa rin ang drop ball ni Toyoy sa Plaza. Ano? Totoo ba ito? Nagtatanong lang po tayo ha!
Habang ang Magsaysay Avenue, teritoryo naman ito nina alyas Edsa at alyas Jimmy – drop ball din ang palaro ng magpakner. At ang hindi magpapatalo siyempre, si alyas Patrick. Game na game ang kanyang mini casino “montehan” sa Legarda Road – walking distance lang sa Baguio City Hall maging sa BC Police Office. Oo, lahat naman sa city proper ay walking distance. Hehehe sarap kasi maglakad lakad sa Baguio dahil sa malamig.
O hayan, sarado pangsamantala ang Baguio sa mga turista o bakasyunista pero…gaano katotoo na bukas at namamayagpag pa rin ang mga sugalan sa lungsod.
Bagamat, may kautusan si Mayor Magalong – noong pa na salakayin ang mga ito dahil sa ayaw niya ng mga ilegal na negosyo sa Baguio. Sinalakay naman ito ng pulisya pero…ano na!?