Advertisers
KAHIT pa ang sanggol na ipinagbubuntis ay bunga ng pagkagahasa, “ayoko ko sa abortion.”
Ito ang isinagot ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa one-on-one interview ni ABS-CBN talk show host Boy Abunda sa panukalang gawing legal ang abortion sa bansa.
Buhay na iyong bata sa sinapupunan ng ina, at wala sinoman ang may kapangyarihang bawiin iyon, sabi ni Yorme Isko, kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
“When there is life already, nobody should take it away. Ipinagkaloob ng Dios ‘yon. That’s my personal belief,” sabi ni Isko kay Abunda.
Aniya, walang kakayahang ipagtanggol ng bata ang buhay niya.
“Buhay na ‘yon,… Only God can take it away, not human being,” dagdag ng alkalde.
Maaaring pangit ang impresyon ng ibang tao sa batang naging bunga ng pagkagahasa, at maaaring may masamang epekto ito sa sosyedad, pero ang “bawat buhay ay mahalaga” para kay Yorme Isko.
Aniya, pare-pareho ang halaga ng buhay ng mahirap, middle class o ng mayaman, lalo na ang walang kamalay-malay na bata sa sinapupunan ng ina.
“Tanging ang Diyos lamang ang may kapangyarihan kumuha ng buhay,” sabi ni Yorme.
Dahil mahalaga ang buhay, naging maingat siya, sabi ni Yorme Isko sa kampanya niya laban sa droga.
Kailangang dumaan sa legal na proseso ng batas kahit ang mga kriminal, aniya.
May karapatang pantao kahit ang mga kriminal kaya dapat bigyan sila na maipaliwanag ang sarili sa batas.
“I don’t like taking life,”paliwanag ni Yorme Isko.
Kailangan sa tao na matuto na matapang na harapin ang mga pagsubok sa buhay, lalo na ang mga babaeng nabuntis at nanganak bunga ng pagkagahasa.
Sa sitwasyong ito, paliwanag ni Yorme Isko, dapat na maging maunawain, mapagkalinga ang tao sa kapwa tao at tulungan ang mga biktima ng kriminalidad.
Hindi pagkutya kungdi tulong at pag-unawa ang ibigay sa mahirap na katayuan ng isang ina at batang bunga ng pagkagahasa.
Hindi solusyon ang abortion, kung ang maging matapang na lumaban at ipagpatuloy ang buhay sa tulong ng Estado, ng Simbahan at ng pamilya.
“We must fight. We must help as a state and as a family,”sabi ni Yorme Isko.