Advertisers
NAGLUKSA kaming lahat ng nasa pamahalaan lalung-lalo na yun mga nagsusulong na magapi ang mga komunistang-terorista, sa biglaang pagpanaw ni
Sadanga, Mountain Province Mayor Gabino Ganggangan noong Jan. 29, 2022.
Si Mayor Ganggangan ay isang masugid na kasama sa pagkontra sa paghahari-harian ng Communists Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) at tunay na taga-sulong ng kapayapaan at autonomiya sa Cordillera Region.
Naikwento nga ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson at Presidential Communications Operations Office Undersecretary Lorraine Marie Badoy, na bago namayapa ang butihing mayor, ay nakausap pa niya ito, tungkol sa isang tulay na nais niyang ipagawa para sa kanyang mga kababayan sa Sadanga, at kung paano tatalunin ang CPP-NPA-NDF.
Ngunit sa isang iglap, paglalarawan ni Usec. Badoy, tila dinagit ng malaking ibon si Mayor at inagaw sa ating mga piling.
Nagsilbing inspirasyon si Mayor Ganggangan sa ating lahat at tinuruan tayong tumayo sa sariling mga paa gaya ng mga Cordilleran, at kung paano humawak ng sibat upang iturok sa dibdib ng mala-higanteng nasa ating harapan – ang mga komunistang-terorista.
Maging si Cabinet Officer for Regional Development-Cordillera (CORDS) Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar, ay naghayag ng kanyang pakikiramay.
Si Mayor Gabi raw ay maprinsipyo at dedikadong tao na ibinuhos ang lahat ng kanyang buhay para sa kapakanan ng kanyang mga kababayang Cordillerans at matagumpay na naisulong ang autonomiya ng Cordillera, kasama ang kapayapaan at kaunlaran.
Kahit nga si Brig. Gen. Ronald Lee, hepe ng Police Regional Office-Cordillera (PROCor) chief ay kinalungkot din ang biglaang pagpanaw ni Mayor Gabi.
Ang paninindigan ni Mayor Ganggangan, ayon sa opisyal ay di natatawaran lalo na ang pakikipagtagisan niya sa mga mapanglokong propaganda at pandaraya ng CPP-NPA-NDF.
Naging saksi rin si Mayor Ganggangan sa pagbubuo ng Mount Data na kasunduan sa pagitan ng Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) at ng pamahalaan, noong 1987 na naging daan sa pagtatakda ng Executive Order 220 na lumikha sa Cordillera Administrative Region.
At matapos maipag-utos ni President Rodrigo Duterte ang Executive Order No.70 noong 2018, hayagan agad ang suportang ipinakita ni mayor dito, at agad isiniwalat ang mga kabuktutan ng NPA sa Cordillera.
Sa gitna din ng pandemiya noong 2020, binatikos niya ang pananamantala ng mga ‘front organizations’ ng CPP-NPA-NDF sa mga indigenous peoples (IPs) sa kanyang lugar.
Ginapi nga lamang siya ng ‘cardiac arrest’ at naisugod pa sa Bontoc General Hospital, ngunit doon na nalagutan ng hininga.
Paalam, Mayor Gabi. Rest in Peace. Nagdurugo ang aming mga puso sa iyong paglisan.