Advertisers
When I let go of what I am, I become what I might be. — Chinese philosopher Lao Tzu
GENERAL SANTOS CITY, SOUTH COTABATO — Habang libu-libong mahihirap na pamilya sa Sarangani at General Santos City sa South Cotabato ang nagdeklara ng suporta para kay Probinsya Muna Development Initiative (PROMDI) standard-bearer Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao, muling nanawagan ang senador sa pamahalaan na magsagawa ng inisyatibo para makailkha ng empleyo para sa milyun-milyong mga Pilipinong walang trabaho sa ngayon sa kabila ng mga planong paluwagin na ang mga restriksyon at buksan ang ekonomiya sa gitna ng pagbaba ng mga kaso ng Covid-19.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang unemployment rate ng bansa ay umabot sa 6.6 na porsyento noong Disyembre ng nakaraang taon, bahagyang mas mataas sa 6.5 porsyento noong Nobyembre—ang pinakamababa mula sa 17.6 na porsyento noong Abril 2020 nang ipatupad ang kauna-unahang hard lockdown sanhi ng pandemya ng coronavirus.
Sa pinakahuling Labor Force Survey (LFS) report, hinayag ng PSA na ang kabuuang bilang ng mga indibiduwal na walang trabaho ng nakaraang Disyembre ay umabot sa 3.27 milyon, mas mataas ng 113,000 mula sa 3.16 milyon napaulat sa nakalipas na buwan
Bilang reaksyon dito, nagbabala si Pacquiao na ang mga inisyatibo para mapabilis ang pag-recover ng bansa mula sa krisis sa pananalapi na nagresulta mula sa pagbagsak ng ekonomiya na bunsod ng pagpapatupad ng mahigpit na mga health safety restriction ay maaaring madiskaril kung marami pa rin sa mamamayan ang kung hindi man walang trabaho ay underemployed habang marami pa ang nawawalan ng hanapbuhay sanhi ng pagsasara o pagbabawas ng tauhan ng maraming mga kompanya.
Kaugnay nito, pinangako ng Pambansang Kamao na kung papalarin siyang manalo sa nalalapit na halalan sa Mayo 9 at maging punong ehekutibo ng bansa, hindi lamang ang kanyang popularidad ang kanyang gagamitin kundi maging ang pagpapatupad ng mahusay na pamamahala para makaakit ng mga investor na puwedeng magpatayo ng kani-kanilang negosyo ditto sa Pilipinas para mabigyan ng trabaho ang milyun-milyong manggawang Pinoy.
Pinangako din ni Pacquiao na ipagpapatuloy niya ang programang ‘Build Build Build’ ng administrasyong subalit sa paraang magiging isang malawakang inisyatibo ito ng pabahay na tutugon sa problema ng kawalan ng tahanan sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatayo ng hindi bababa sa 10 milyong bahay.
Ang mga adhikaing ito na kanyang prinoklama ay sa ngayon umaani para sa kampeon ng malawakang suporta at kabilang sa ilang mga personalidad na nagdellara ng pag-endoros sa kanyang kandidatura ay ang kilalang folk singer na si Freddie Aguilar, na noong Martes, Pebrero 8, ay umawit para sa senador upang ipagbunyi ang mga nagawa at personal na karakter ng pambato ng PROMDI.
“There are only a few politicians who are sincere. Manny is sincere and I believe he is the one who can uplift the lives of ordinary people,” pinunto ni Aguilar, na isa ring tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa proclamation rally ng Pambansang Kamao sa araw ding iyon bago tinanghal ang awiting nagbubunyag sa pagkakaroon ng senador ng puso para sa mahihirap.
“Every election, these politicians are just using the poor,” pagtatapos ng mang-aawit.
* * *
PARA sa inyong komento o suhestyon, reklamo o kahilingan, magpadala lamang ng mensahe o impormasyon sa aking email na filespolice@yahoo.com.ph o dili kaya’y i-text n’yo na lang ako sa aking cellphone numbers na 09054292382 para sa Globe at 09391252568 para sa Smart. Salamat po!