Advertisers
KAMI po dito sa Tondo, Maynila ay may bagong taguri sa Commission on Election (COMELEC) lalong-lalo na ang Division 1 na kinabibilangan ni Commissioner, Atty. Aimee Ferolino. Kung kami po ang tatanungin ay dapat baguhin na ang acronym na COMELEC at sa halip ay palitan ito ng COMOLECTA. Sino po kaya ang mga naging instant millionaire sa COMOLECTA? Kayo na po ang bahalang mag-isip kung bakit ito ang nasa isip namin? MENSAHE NI JUAN PO.
***
KAPAG ang pagbabatayan ay ang Ferolino Ruling kaugnay sa naging desisyon ng Division 1 ng Commission on Election (COMELEC) na pinamumunuan ni Commissioner Aimee Ferolino sa Disqualification Case ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) ay tiyak na magdidiwang ang kalooban ng ilegalistang magkapatid na sina alias Bogs at alias Goto at maging ang anak ni alias Goto na si alias Cholo. Hindi raw pala krimen ang di paghahain ng Income Tax Return?
Sa bisa ng inakdang desisyon mismo ng batikang abogada, ay wala daw nagawang krimen si BBM na kaisa-isang anak na lalaki ng dating diktador, Ferdinand E. Marcos kaugnay sa di nito pagpa-file ng Income Tax Return (ITR) at hindi pagbabayad ng kanyang buwis noong taong 1992.
Inabswelto nina Ferolino si BBM sa bisa ng resolusyong pinalabas noon lamang February 10, 2022, matapos ang nakababagot na panahong pagkabinbin ng naturang kaso sa COMELEC upang ipawalang bisa ang Certificate of Candidacy (COC) ni Bobong este Bongbong.
Nagtagumpay sina Ferolino pagkat di naibilang ang boto nina Commissioner Rowena Guanzon na nagretiro bago inugit ang nasabing desisyon. Sa pananaw ni Guanzon ay dapat talagang madiskwalipika ang COC ni BBM dahil may nilabag itong batas at nahatulan ng hukuman.
Sa kanyang desisyon inilahad ni Ferolino na “ang kabiguan na magfile ng Income Tax Return (ITR) ay hindi likas na pagkakamali dahil sa kawalan ng batas na magpaparusa dito”.
Mukhang tama nga ang pananaw ni ex-COMELEC Commissioner Guanzon na sumobra yata ang katalinuhan ni Ferolino para ipagdiinang walang mali na nagawa si Bobong este Bongbong.
Mistulang genius nga naman si Ferolino para balewalain ang batas na nagpaparusa sa mga tax evaders at mga hindi naghahain ng kanilang ITR lalo’t ang mga ito ay public official.
Ayon pa kay Feroloino, “ang nasabing pagkakasala ay pinapatawan lamang ng magaan na kaparusahan sa ilalim ng Tax Code”, at hindi din kinikilala ng National Internal Revenue Code (NIRC) na mabigat ang kasalan ang di paghahain ng ITR.
Nasaan kaya ang utak nitong si Ferolino, nasa kanyang bumbunan o nasa talampakan? Saan kayang law school nagtapos ang kumag?
Saan pa kayang direksyon patutungo ang bansa ni Juan kung ang lahat na lamang na mamamayan lalo na ang mga opisyales ng pamahalaan ay pawawalang sala kapag di nagbayad ng buwis o di naghain ng kani-kanilang ITR?
Malamang naman na pagbabayaran din sa takdang panahon nina Ferolino at ng iba pang commissioner sa COMOLECTA este COMELEC ang kanilang grabe at lisyang nagawa laban sa sambayanan?
Tiyak naman na hindi matatakasan ng mga ito at ng kanilang pinaboran na kandidato ang poot ng mga botante pagdating ng May 9, 2022 election.
Ayon pa kay Ferolino ay hindi raw kasalanan ang di pagpa-file ng ITR, ngunit tinutulan ito ng higit na nakararami. Argumento ng mga abogado at dalubhasa sa batas ay taliwas ito sa katotohanan pagkat nahatulan nga naman ng QC, MTCC si BBM ng pagkabilanggo at pagmumulta. Ang sentensyang pinagaan ng CA ay pinagtibay naman ng Korte Suprema, kaya ex-convict nga naman si Bongbong.
Noong 1995 ay naunang hinatulan ng QC, RTC si BBM ng pagkabilanggo at pagbabayad ng multa sanhi ng 8 counts na kasong paglabag sa National Internal Revenue Code (NIRC).
Pinagaan naman ng Court of Appeals(CA) ang sentensyang ipinataw kay BBM, sa halip na may kasamang pagkabilanggo ang hatol, ay inutusan na lamang si BBM ng mga injustices este justices na magmulta na lamang.
Ang hatol ng CA ay pinagtibay naman ng Supreme Court noong October 31, 1997. Kaya sentensyado pa rin si Bobong este Bongbong.
Pinagaan na nga ang hatol, ngunit hindi pa rin sinunod ni BBM ang utos ng mga mahistrado ng CA pagkat natuklasan sa bisa ng isang sertipikasyon ng QC, RTC na hindi pala nagbayad ng kaukulang multa si BBM.
Bilang lider ng bayan ay dapat na sumunod si BBM sa batas. At kung ganitong sinuway ni BBM ang batas ay para na rin itong katulad ng mga hoodlum na sina Bogs, Goto at Cholo?
Pupusta ako na hindi nagbabayad ng buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sina Bogs, Goto at Cholo mula sa bilyones na salaping kanilang tinatabo sa pagbuburiki, pagpapaihi at pagpapasingaw ng petroleum at liquified petroleum product (LPG) sa mga repinerya sa lalawigan ng Bataan?
Payag at maluwag sa dibdib ng inyong lingkod na ipaputol ang leeg kung may patunay at malinaw na deklarasyon o sertipikasyon ang mga kinauukulang opisyales ng Rentas Internas na ang mga ninanakaw nina Bogs, Goto at Cholo na mga produktong petrolyo at LPG na nakaimbak sa kanilang mga kuta sa National Highway ng Barangay Alangan, Limay, Bataan at sa Florida Blanca, Pampanga ay ibinabayad ng mga ito ng kaukulan at wastong buwis sa pamahalaan!
Protektado ang mga nasabing pwesto ng paihian, burikian at pasingaw ng mga armado ng baril na mga goons at unipormadong miyembro ng PNP. Nakakarating kaya angt ulat na ito kay PNP Chief, Dionardo Carlos?
Marahil ligtas din sina Bogs, Goto at Cholo sa mga kasong tax evasion at di paghahain ng kani-kanilag ITR kung ang hihingin ay ang opinyon nina Ferolino.
Ngunit papaano naman ang senaryo kung ang pagbabatayan ay ang walang kinikilingang desisyon ng hukuman at ang hatol ng milyon-milyong mga mamamayan?
Makakalusot pa kaya sina Bogs, Goto at Cholo sa kanilang paghahangad na manalo sa paparating na halalalan sa May 9, 2022 sa Bulacan? Kung ang hatol ng madla ang pagbabasehan ay tiyak na kokondenahin sila at uusigin ng kanilang mga mamayan sa lalawigan ng Bulacan. Sa kangkongan silang tatlo pupulutin.
Ngunit lusot din marahil sina Bogs, Goto at Cholo na pawang kilala din sa kalakalan ng droga sa Bulacan kung ang tatanungin ay ang ilang korap at police scalawag.
Dahil sa milyones na intelhencia na bumabaha sa tanggapan ng maraming lokal na opisyales, mga provincial director ng Bulacan, Bataan, Pampanga at iba mga lalawigan na nasa ilalim ni PNP Region 3 Director Mathew Baccay ay walang kaso sina alias Bogs, alias Goto at alias Cholo.
Parang ligal naman talaga ang kanilang 24/7 na pagnanakaw kayat di matinag ang labag sa batas na operasyon ng mga ito… Abangan kung may aaksyon?
***
Para sa komento:CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.