Advertisers
NAGLIPANA sa kasalukuyan ang mga pag-iikot ng mga kandidato upang hingin ang basbas ni Mang Juan sa pagka pangulo, pangalawang pangulo at mga senador. Habang sa Marso hahalo ang mga lokal lider na hihingi rin ng basbas upang sila naman ang mamuno sa kani-kanilang lugar. Sa ngayon, hindi malaman ni Mang Juan kung saan sasama sa lakad ng kabi-kabila partido na humahatak dito upang makilala ang kandidato na nagpapakilala sa proclamation rally. Hirap sa pagpapasya kung ang sino dapat samahan sa sabay sabay na nagaganap.
Ang pamantayan ng pagpapasya’y kung sino ang mas malapit ang relasyon kay Mang Juan at ito ang marahil samahan. Subalit, hindi ganun kadali ang pagpapasya, kailangang timbangin ang tunay na ibig ng Mama sa pagpapasya kung saan sasama. Naroon ang pagdadalawang isip sa pagpapasya kung saan sasama, lalo’t may mga nag-eenganyo na libre ang pamasahe, pagkain at may pabaon pag-uwi, at litrato sa ilang tumatakbo na maaring ipagmalaki sa pag-uwi sa pamayanan.
Sa pag-iikot ng mga kandidato hindi maiiwasan na kumuha ito ng mga tauhan na tuwiran na binabayaran upang gampanan ang araw-araw na pang-aakit ng mga manghahalal. Ito ang gumagalaw sa mobilisasyon ng mga taong kasama sa mga rally o motorcade upang ipakita na maraming kabig o sumusuporta ang kandidatong dala. Sa pagsama ng mga tao sa isang gawaing may pagtukoy sa kung sino ang sinusuportahan, maniwala’t hindi, hindi pa ito naka pagpapasya o walang katiyakan ng pagbibigay basbas sa sinamahang kandidato lalo’t batid nito na ang pagsama’y isang bayaring gawain. Makikita sa susunod na araw-linggo o buwan na dumami ang mga nagkaroon ng pansamantalang trabaho sa panahon ng halalan. Ngunit, huwag magtaka na kung sa huling araw ng pagpapasya, ang sinasabing malakas na kandidato’y matatalo gayung kahit nangunguna ito sa survey. Ang pagpalit isip ng Pinoy ang likas nitong katangian, at mahilig ito sa huling kabit..
Ang mga nagaganap na survey ngayon na patuloy ang pamamayagpag ng kandidatong malakas sa media o social media’y di mapanghahawakan, at napatunayan na ito sa nakaraan. Ang kasaysayan ang gawing batayan sa pagpapasya ng hindi maligaw sa hinaharap. Hindi nagpapasya ang nakararami sa haba ng panahon bago ang araw ng pagboto. Karaniwang sa huling saglit at nagpapasya si Mang Juan ng ibig at ang karanasan sa kahapon malinaw na guro nito sa kasalukuyang kaganapan.
Sa pagsama nito sa grupong malakas kuno’y pawang paghahanap buhay at ‘di kalakip ang pagpapasya kung sino ang ibig. Kung ito ang dama ng taga sunod, tila hindi iba ang dama sa mga kandidato na walang puwang sa puso at isip nito ang mga tagasunod pawang mga swelduhan lamang ang turing sa nagtutulak ng kandidatura. Puro orocan ang trato nito sa mga trabahador na kasama sa maghapong gawain at sa gabi, sige uwi muna bukas na lang ulit. Sabay abot ang kinita sa isang araw ng trabaho.
Sa mga nagsidalo sa mga rally, caravan o motorcade na tuwiran ang panghihikayat sa mga botante na magbago ng isip dahil ang kandidato nito ang may kapasidad na pamunuan ang bansa sa susunod na panahon. Makikita unipormado ito ng damit upang ipakita na iisa sa layunin na dala ng kanilang kandidato. Sa unang tingin magaling at nakakaakit ngunit sa pakikipag-usap malalaman na nahatak lang ito at pinangakuan ng kung magkano, may libreng t-shirt at pagkain, eh saan ka pa. Ang siste nito, sayang ang yadba sa kumpara sa maghapong pag tambay, konting sigaw at buskahan ayus na sa halip na nasa bahay na walang inatupag kundi ang manood ng tiktok o magpalipas ng maghapon na walang ginagawa.
At sa may sasakyan, may mga nabayaran at pa gasolina na malaking katipiran lalo’t napakamahal ng presyo nito. Sabi nga ng ilan, ano bali at hindi papatol, sayang. Sa sitwasyong ito, ikaw na Mang Juan ang magsabi kung kusa o bayad ang pagsama sa nakalahad na gawain ng politiko.
Sa kabila ng politika, makikita ang kaibahan ng may sariling giya sa pagsama sa mga gawaing politikal na mapapansin na mas politido ang kilos at nagtiyaga na makawayan man lang ng nais na kandidato. Hindi naghihintay na maabutan sa halip ito ang nagbabahagi ng kung ano ang mayroon upang maipakita ang pakikiisa at nais na pagbabago. Walang tinatanggap na kung ano man sa halip ito ang tumutustos sa partisipasyon sa gawain ng ibig na kandidato.
Marahil masasabing maliit ang bilang nito sa tingin ngunit nakakatiyak na solid ang suporta at nakapagdesisyon na para sa malinis na pamamahala. Batid nilang ang kandidatong ibig ay walang bahid at walang interes na pansarili. Walang ibabangong puri dahil kabutihan ang dala, isang rosas na malinis ang pagkatao. At sa totoo lang, hindi kaya nitong magbayad ng mga manghahalal at umaasa sa may mga mabuting puso na nagtutulak sa kandidatura at nanalig para sa kagalingan pambansa. Hindi umaasa sa bayarang tagasunod o bulag sa kagahamang pwesto para sa sariling interes. Sa halip ang kusang pagnanais ang isinusulong, kagalingang para sa bayan.
Sa kasalukuyan, ang pagmomobilisa ng mga tao’y hati sa mga may kusa at may yadba, subalit ang bentahe ng una’y malinaw na nagsusulong ito para sa kaayusang bayan. Hindi isinusulong ang pansariling interes para sa kasalukuyan at sa kinabukasan. Ang nais tunay ay ang pagbabago na makakamit ng lahat at di ng iilan. Malinaw sa pag-iisip at isinasa alang-alang sa pagboto na ang bawat Pilipino ang makikinabang. Umaasa sa mabuting pag-iisip at pagbibigay basbas ng nasa itaas na ang mabuti at kusang gawa ang mananaig sa araw ng pagpili. Ang pagbabago ng isip ng mga lumalahok sa rally na gumagamit ng lalim ng lukbutan ay hindi matatawaran dahil sa pangangailangan. Ngunit hindi kasiguruhan na ang napili nito’y ang sinamahan dahil sa sandaling pakinabang.
Batid ni Mang Juan ang nasa puso ng mga anak, pagbabago at pakinabang sa lahat. Malalim man sa kasalukuyan at sa hinaharap ang lukbutan ng pangunahing katungali ngunit hindi ito mananalo sa dami ng manghahalal na nagmamahal sa bayan. Kahit sino at anong grupo ang magsasabi ng pag-eendorso sa kung kanino, ang huling pasya’y nasa dulo ng lapis na nagsasabing kami’y Pilipino at ang pagnanais nami’y pagbabagong madarama ng bawat kalahi. Ang natangap na bayad ay para sa serbisyon ginawa at ‘di sa boto para sa pagbabago.
Maraming Salamat po!!!