Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
AMINADO si Julia Barretto na takot siya sa multo kaya naman hindi siya gumagawa ng horror movies.
Natatandaan daw kasi niya noon ang isang insidente na ang tita niyang si Claudine Barretto ay kinilabutan dahil sa real-life experience nito sa engkuwentro sa mga multo habang gumagawa ng isang pelikula.
“Iyon ang fear ko in coming to the set. Marami na kasi akong narinig na may mga nagpaparamdam sa set habang gumagawa ng horror movies. Kaya, iyon din ang sinabi ko kay direk. ‘Direk, takot ako baka may sumunod sa akin after o may magparamdam sa set’,” pahayag ni Julia.
“Kasi I remember when my tita did a thriller suspense horror ata, I think it was caught on camera na may nangyari sa kanya sa take. So ever since natakot na ako sa horror no’n,” dugtong niya.
Gayunpaman, tinanggap daw niya ang kanyang first horror movie na “Bahay na Pula” para i-challenge ang sarili.
Dagdag pa niya, tinanggap daw niya ang role dahil isang internationally acclaimed at Cannes award-winning director ang magdidirehe sa kanya.
“Lahat naman, dream na maidirek ng isang Brillante Mendoza dahil he’s a Pinoy pride. Naging jury siya sa Cannes at siya ang nagpanalo kay Ms. Jaclyn Jose sa Cannes as best actress,” paliwanag ni Julia.
Isa pa rin daw konsiderasyon kaya niya tinanggap ang movie ay ang kuwento nito.
“I really wanted to do the project e so I went on with it. Ang promise naman ni direk, hindi naman siya gano’n ka-scary like you’re watching the film and it’s true enough. I always had a rosary with me so ayon na lang ang pinanghawakan ko noon,” ani Julia.
Ang “Bahay na Pula” ay kuwento ng bagong kasal na sina Jane (Julia) at Marco (Xian) na pumunta sa Mindoro para ipagbili ang ancestral house na ipinamana ng kanyang lola.
Sa naturang bahay, mararanasan nila ang iba’t ibang kababalaghan tulad ng ilang namamahay na hindi nila nakikita.
Bukod kay Xian, tampok din sa pelikula si Marco Gumabao na gumaganap bilang dating kasintahan ni Julia.
Bukod sa Pilipinas, ang “Bahay na Pula” ay mapanood din sa iba’t ibang bahagi ng mundo tulad ng Hong Kong, Taiwan, Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, Japan, South Korea, Macao, Vietnam, Brunei, Maldives, Australia, New Zealand, the Middle East, Europe, Canada at Estados Unidos via online streaming simula sa Pebrero 25.