Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
Sa vlog ni Karen Davila, sinadya ng broadcaster turned vlogger ang mag-asawang Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo sa restaurant ng mga ito sa Maynila.
Ani Juday, maaga raw siyang gumigising para mag-prepare sa mga pangangailangan o food orders ng kanilang restaurant na nakasanayan na niya gawin kahit noong magsimula pa man ang pandemya.
Hands on din daw siya pagdating sa pagluluto sa kitchen kung saan sinu-supervise niya ang kanyang staff.
Ang kanya raw namang mister na si Ryan na isang marketing graduate ay tumatayong strategist kung paano ibebenta ang kanilang mga produkto.
Sa naturang vlog, natalakay din ang tungkol sa kanilang love story ni Ryan.
Nakasama raw niya noon ang mister sa ilang proyekto na nagshe-share sila ng tent at doon nagsimulang magkalapit sa isa’t isa.
Pero dahil may mga kanya-kanyang proyekto at may love team din daw sila noon, hindi na-develop agad ang attraction nila sa isa’t isa.
Katunayan, nang magkasama raw sila sa isa pang proyekto, naging kasunduan daw nila na huwag na mula silang magkatrabraho muli para ma-test nila kung para nga sila sa isa’t isa.
Nagustuhan daw niya si Ryan dahil tanging ito ang tinototoo ang sinasabi niyang panunuyo sa kanya na tipong hindi lamang palipad hangin.
Sa piling din daw ng esposo, na-experience niya ang mga nararanasan ng ibang babae na maging ‘normal’ tulad ng dalagang nililigawan at nakikipag-date.
Tungkol naman sa pagde-date, hindi raw sila iyong tipong pabongga o kumakain sa fine dining restaurants kasi solb na sila kahit sa fastfood.
Pagdating naman sa pagseselos, pareho raw silang nagseselos ni Ryan pero nasa tamang lugar daw naman ito.
Sa pagpapalaki at pagdisiplina raw ng mga bata, pareho rin sila ng pananaw kaya hindi raw sila nagka-clash.
Sa tanong naman ni Karen kung may takot ba siyang nararamdaman na baka mabawasan ang kanyang popularidad o malaos lalo na’t iba na ang prayoridad niya sa kasalukuyan.
Inamin naman ng Kapamilya actress na minsan itong pumasok sa utak niya noon.
“May takot ako noon, iniisip ko paano ‘yung mangyayari sa akin lalo na pag nag-asawa ako, nagkaanak ako, iniisip ko baka hindi na ko gusto ng mga tao,” ani Juday.
Gayunpaman, naisip daw niya na blessed na siya dahil halos lahat ng gusto niya ay natupad pagdating sa career at maging sa personal na buhay.
Dagdag pa niya, simula pagkabata ay nagtratrabaho na rin daw siya bilang artista kaya pakiramdam niya ay naabot na niya lahat.
Katunayan, okey na raw siya ngayon at feeling niya na kung magreretiro man siya ay may maiiwan na siyang ‘legacy.’
“Nandon na ako sa situation ng buhay ko na I have everything that I want. I have everything that I need and more. Bakit ako matatakot kung saan ako gustong dalhin ng Diyos?” sey niya. “Okay na ako kasi natawid ko na siya e. Feeling ko naibaba ko na ‘yung legacy ko,” dugtong niya.