Advertisers
SA dami ng kumukontra sa pagkaka-aresto kay Dra. Maria Natividad Castro alias Ka Yammy/Ka Ami/Dok, isa lang ang nagsalita, na pinaniwalaan kong magpapa-tahimik sa lahat.
Ito ay si Gleceria Balangiao, a.k.a. “Ka-Inday”, for Liaison Officer ng Rural Missionary of the Philippines – Northern Mindanao Region.
Ayon kay Balangiao nang maging panauhin ito sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), si Dra. Castro ay ‘aktibong miyembro, recruiter, trainer at fund raiser ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP NPA NDF)”.
Sinabi ni Balangiao sa mga media na nakasama niya si Castro ng ilang ulit sa pagitan ng 2006 hanggang 2009 sa mga pulong at pagti-training nito sa mga NPA fighters ng ‘first aid treatment’ para sa mga sugatang mandirigma.
Una raw niyang nakita ang doktora sa Cagayan de Oro. “Doon siya nagtatrabaho, nagbibigay ng mga training sa mga community-based area na kontrolado ng NPA,” ang sabi ni Balangiao na idinagdag pa, si Castro raw ay nagrerecruit din ng mga “health professionals” para maging “medics” ng samahan.
Paliwanag ni Balangiao, may angking galing si Castro na mamuno at mag-organisa ng mga tao.
Bilang finance officer dati, sinabi rin ni Balangiao kung paano gumawa ng mga ‘project proposals’ si Castro, na kanilang ginagamit sa pagsasanay at panghingi ng pondo sa abroad.
“Magaling siya sa mga project proposals na ginagamit sa mga community-based (trainings) at paghingi ng pondo sa abroad,” ang kwento pa ng dating rebelde na sumali sa kilusan pagkatapos niyang maka-graduate sa kolehiyo.
Nasaksihan niya rin daw kung paano nila hinati-hati ang naibigay na pondo mula sa isang European Union organization na pinadala sa komunistang-teroristang samahan.
“May natanggap kaming pondo, at ginagamit ito sa pagsuporta sa mga pangangailangan ng kilusan,” ang sabi niya, gamit ang “60-40” hatian.
60 percent ay napupunta sa “partidong komunista” at ang 40 percent naman ng pera ay napupunta sa unit na may gawa ng project.
Kung nanggaling na sa dating nakasama ni Dra. Castro ang mga rebelasyong ito, di na kataka-taka, na shoot na talaga si doktora sa ‘banga’. Hindi ba?