Advertisers

Advertisers

Boluntaryong bayaran

0 1,686

Advertisers

WALA sa tamang tayo ang kabuhayan ng mga Pilipino lalo ng pumasok ang pandemya sa bansa. Maraming tumigil na negosyo na siyang pangunahing dahilan upang tumigil si Mang Juan sa paghahanap buhay. Sa pagtakbo ng panahon sa kasalukuyan, tila pababa na ang insidente ng C19 at bumabalik na sa dati ang sitwasyon bago ang pandemya. Ang pakikihalo-bilo’y maari ng gawin, ngunit sa papel lang ito dahil hindi makagalaw sina Mang Juan, Aling Marya at Mang Rod tungo sa normal nitong kilos dahil sa kawalan ng pantustos.

Nasa isip lang ang pagbabalik sa dating gawi bago pa ang pandemiko dahil sa kawalan. Nariyan ang iba na nagsisimula pa lang bumangon sa pagkakasadlak sa kawalan lalo’t may anak o kamag-anak na inabot ng pandemya. Ang konting naipo’y nagamit sa pagpapagamot ng tinamaan ng C19, at ang mga walang wala’y kinuha na ni Lord. Hindi biro ang halagang nailabas sa pagpapagamot ng anak na dahilan sa paghaba ng pagbangon ng kabuhayan ni Mang Juan.

Sa mga umasa sa ayuda, hindi umaasa na makabalik sa dati ang pangkabuhayan lalo’t ‘di malaman kung saan kukuha ng perang ginamit sa paghahanap ng trabaho. Ang dating pinapasuka’y nagsara sa pagkalugi at kung nariyan hindi pa kayang maibalik ang tamang bilang ng mga tauhan sa kakulangan ng puhunan. Sa sitwasyong ito, wala pa sa isip na magdagdag ng obrero na kahit pabukas na ang ekonomiya, maraming Pinoy ang nagsisimulang muli na makabalik ang kabuhayan bago ang pandemya.



Subalit tanaw na ang meron at ang wala’y nakatapak sa magkabilang kalagayan. Ang mga mero’y patuloy lang sa mga nakagisnang gawain at ang waley patuloy na naghihikahos. Pasalamat si Mang Juan at nariyan ang halalan na kahit paano’y may magagawa upang magkaroon ng pagkakakitaan. Nariyan na nahahatak ng mga kaibigan na magboluntaryo at sumama sa pulitika sa ilang kampanya upang mamigay o magkabit ng mga political ads. Ang pagsama sa mga ito’y kusa o boluntaryo ngunit kailangang magpasa ng tala ng pagkakakilala at kailangang mag filled-up ng application, magpasa ng ID picture, COMELEC ID upang matiyak na rehistrado at makaboboto.

Ang pag-endorso ng kasalukuyang tauhan na nasa naglilingkod na sa kampo nito’y karagdagang punto upang tanggapin sa panig nito. At sa pagpasok walang usapin ng sahod, sa halip ang pagtangap dito’y kusang loob o boluntaryo ngunit malinaw na may tatangapin halaga upang masabi na kahit paano’y pakinabang. May bangit na mas malaki ang inaabot sa mga boluntaryo kumpara sa minimum wage na sinasahod ng ibang obrero. Ngunit walang usapin ng overtime, at garantiya na kailangang pumasok sa trabaho tuwing Sabado, Linggo o pista opisyal kung saan marami ang tao sa mga pamayanan.

Ang tanong, ito ba ang pagkukusa o boluntaryo na kailangang pumasok sa oras o araw na sana’y pang pamilya? O isa itong bayarang obrero na ang gawain ang upang itulak ang kandidatura ng politiko. Boluntaryong bayaran? Sa ngayon tangap na boluntaryo ang kaayusang binabangit sa taas dahil walang usapin ng nagpapasahod at pinapasahod, at ang kaayusa’y pagkukusa sa magkabilang panig, basta’t may pang-uwi sa bahay, hehehe.

Silipin ang kaayusan sa itaas kung pagkukusa o sadyang tinatago ang kaayusan at lansihin ang bayan ng kalakasan nito sa hanay ng manghahalal. Sadyang itinatago ang katotohanan upang masabi na malakas ito sa bayan at karamihan sa mga kumikilos dito’y hindi binabayaran. Dalawa ang tama nito, ang pagpapakita na mababa ang gastos at marami ang nagsusumikap para sa kandidatura nito. Subalit hindi lingid kay Mang Juan ang pagtatago o ang pagpapa-ikot ng impormasyon estilo ng mga lilong tao. Ang masakit nito, tila sinasamantala ang kapit patalim na sitwasyon ng mga nangailangan na sa halip na tratuhing trabahante ang mga ito, tinagurian pang mga boluntaryo upang ang ilang mga karapatan sa pagtratrabaho’y hindi na hanapin o ibigay dahil sa kaayusang napasukan.

Ang kahinaang pang-ekonomiya ng mga nagtatrabaho nito ang sinasamantala ng mga politiko sa likod ng sinasabing pangako sa bayan. Ang mga boluntaryong ito’y kailangang nagtutungo sa punong himpilan at magpatala ng araw ng pagpasok upang mabilang sa araw ng bigayan ng sahod sa linggo ng pinasukan. Ito ang boluntaryong bayaran.



Sa pag-iikot ng mga boluntaryong bayaran, makikita ang pag-eenganyo nito sa mga manghahalal na sumama sa pagtitipon na dinaluhan ng dalang kandidato. Kapansin-pansin ang pagkakapareho ng lapit nito sa mga manghahalal sa kanilang kalagayan na hinihikayat ang pagsama sa pagtitipon na makakatanggap ng ilang kilong bigas at ilang de latang sardinas o di kaya’y halaga na maaaring pambili ng pangangailangan. Sa ilang oras na pagdalo, asahan ang libreng pakain at konting maiinom sa ilang oras na pag-upo’t pakikinig sa talumpati ng punong kandidato. Ang kagandahan nito, tiyak na may yadba ang mga dumalo.

Na kung uusisain, sasabihin na ang pagdalo ng mga ito’y boluntaryo at kusang pagsama. Sa kabilang banda ng kaganapan, iisa ang sinasabi ng dumadalo, sayang ang bigas at konting halaga na inabot na panggastos sa ilang araw. Hindi pa kasama kung maibigan ng mga political coordinator ng mga kandidato na magsasabing pwede itong idagdag bilang nagtatrabaho, eh di kikita pa.

Ngunit, ang tulong ay tulong at walang kapalit, at kung may kapalit ang pagtulong masasabi pa bang tulong ito? Hindi makatuwiran na bangitin na ito’y kusa na sa bandang huli ang sahod. At abangan ang ilalabas ng datos ng pamahalaan ng pansamantalang mga pagtaas ng nagkaroon ng trabaho sa panahon ng kampanya at halalan. Ang pagtangging sabihin na hindi mga trabahador at mga boluntaryo’y indikasyon na may itinatago ito lalo sa katapusan ng halalan na kung saan ang mga kandidato’y maglalahad ng Statement of Expenses and Contribution, kung saan hindi sinasabi kung magkano ang tuwirang gastos o donasyon.

Ang ‘di pagkilala sa gawa ng mga trabahador nito’y lalo’t nakamtan ang tagumpay ay patunay na ang layunin ng kandidato pansarili at ‘di sa bayan. Ang paikutan ang batas siyang gawain ng ilang buktot na politiko na ang magkamal ng mas maraming salapi ang layon. Dahil ang susunod na hakbang eh kung paano ang takits at paghahanda sa susunod na halalan. Ang makuha ang nais ang rurok ng tagumpay lalo’t ito ang pinakamataas na pwesto sa pamahalaan.

Mahiwaga ang buhay sa mundo at ang mahina ang siya pang ginagamit na kasangkapan ng malalakas upang isulong ng sariling layon. Ang boluntaryong nagsikap sa panalo nito’y ‘di tanggap na kusa sa halip ang pagtanaw na bayad ito sa naibigay na trabaho kahit sa una’y boluntaryo. Huwag umasa na may puwang kayo sa puso ng politiko, kung ang pamahalaa’y pina-iikutan kayo pa na hanapbuhay ang kailangan. Imulat ang mga mata sa katotohanan, na ang serbisyong bigay ‘di dapat kalakip ang pipiliin sa halalan. Ang serbisyong bolutaryo’y ‘di nabayaran dahil ito’y kusa at mula sa puso ng taong naghahanap ng tunay na serbisyo sa namumuno. Iboto ang dapat sa kandidatong ‘di nagbabayad…

Maraming Salamat po!!!