Advertisers
HINDI ko kilala itong Atty. Luke Espiritu. Ngayon ko lang narinig ang kanyang pangalan. Ngayon ko lang nalaman na may senatoriable palang Luke Espiritu. Pero iboboto ko siya. Kukumbinsihin ko pa ang aking mga kamag-anak at kaibigan na botahan siya sa Mayo 9.
Bakit ko nagustuhan si Atty. Luke Espiritu? Aba’y kung narinig nyo siya sa padebate ng media network ni Pastor Apolo Quiboloy sa mga senatoriable sa Okada Hotel kamakailan, talagang bibilib ka sa kanyang husay. Detalyado ang kanyang mga sinasabi, talagang nasa rekord. Nilampaso niya, natameme sa kanya ang mga ka-debateng maiingay na senatoriables na sina Atty Larry Gadon at Atty Harry Roque na kapwa nasa tiket ng Marcos-Duterte tandem.
Ang isa sa mga isyung pinagdebatehan ay human rights violations. Pag sinabing paglabag sa mga karapatang pantao, talagang mababanggit dito ang Martial Law noong panahon ng diktador na pangulong si Ferdinand Marcos, ama ng kasalukuyang presidentiable na si Bongbong or “BBM”.
Unang binagsakan ng maso ni Luke si Gadon matapos ipagtanggol at ipagmalaki ng huli si Marcos. Binanggit ni Luke ang data mula sa human rights watchdog Amnesty International tungkol sa isyu: “More than 70,000 were imprisoned, about 34,000 were tortured, and more than 3,000 people were killed during martial law, according to Amnesty International.”
Namula at napa-nganga si Gadon. Pinilit niyang i-interupt si Luke. Pero sinabihan siyang: “Huwag kang bastos, this is my time.”
Ang tanging nasabi ni Gadon ay: “We should not use this forum for a propaganda against the Marcosses.” Hehehe…
Binuksan kasi ni Gadon ang isyu kay Marcos. Ayon! nabutata siya ni Luke. Galing mo Atty. Luke Espiritu!
Pagdating kay Atty. Roque, mas napahiya at namutla ang dating opposition na dating tagapagtanggol ng mga karapatang pantao.
Bira ni Atty. Luke: “I know your history. You were anti-Marcos before. You were for human rights before. You spend your life against the Marcoses. You work for human rights and now that you were given a Senate spot under the party of Bongbong Marcos, now you cry Hallelujah and praise Marcos!” Napa-nganga nalang si Roque, namilog ang mga mata. Hehehe…
Palusot ni Roque: “There was nothing respectful with what you said against me. Ang katotohanan po ang pinag-uusapan hindi po ang patay na Marcos. Ang pinag-uusapan ang buhay na Marcos. Sa akin po, panagutin ang mga nagkasala pero yung mga hindi po gumawa ng kahit na anong kasalanan, ‘wag po nating idamay sa sisi.”
Ang mainit na sagutang ito sa debate ng senatoriables ay naging viral sa social media. Nakilala ang Atty. Luke Espiritu mula sa Partido Lakas ng Masa (PLM) ng presidentiable na si Leody de Guzman, isang labor leader.
Naging malaking minus naman ito kina Gadon at Roque.
Kasama na si Luke Espiritu sa mga iboboto kong senador sa Mayo 9. Ang kalibre niya ang kailangan sa Senado, hindi yung mga kandidatong walang prinsipyo.
Sino nga ba itong Luke Espiritu? Aba’y matindi pala ang educational background nito. Graduate siya ng AB Masscom sa Ateneo, nagtapos ng Law sa Ateneo din, nagtapos ng high school sa Dela Salle. Lider siya ng iba’t ibang organisasyong pang-masa. Dalhin natin siya sa Senado, repapips!!!