Advertisers
Bilib sa tibay, tikas, at paninindigan ni Vice President Leni Robredo na maiangat ang buhay ng mga tao ang mga atletang Pinoy.
Sa kanilang mga pahayag, lalo na sa social media, sinabi ng mga kampeon na higit na kailangan ang babaeng presidente, “lalo na at nanggaling tayo sa administrasyong puno ng toxic masculinity.”
Ayon kay Red Ollera, Pinoy professional wrestler na mas kilala bilang Rederick Mahaba sa ring, ang pinakamalaking dahilan bakit niya iboboto si Robredo ay ang kanyang pagiging ekonomista.
Akma raw ito sa panahon na pag-angat ng ekonomiya ng bansa ang pinakamalaking problema na kinakaharap ng mga Filipino.
“Siyempre, kasama na doon ang kanyang achievements, malinis na track record, at agriculture-based platform,” dagdag ni Red.
Si Robredo ang natatanging babaeng tumatakbo bilang pangulo ng bansa sa darating na halalan.
Madalas siyang nababatikos dahil sa kanya umanong pagiging “mahinhin.”
Pero para kay Romeo Wendell Imabayashi, isang wrestler, tiwala siya sa katapatan sa paglilingkod ni Robredo na ipinakita niyo noong kasagsagan ng pandemya.
“Naging malaking bagay ang kanyang serbisyo, lalo na sa kalagitnaan ng kaguluhan ng pulitika at gobyerno na may iba’t ibang batas at ordinansang ipinatutupad sa halip na tugunan ang basic na pangangailangan ng tao,” aniya.
Ayon naman kay Nigel Abellara, higit na mas tinitingnan niya ang mga nagawa na at ang tatag ng prinsipyo ng isang kandidato, kaya mas nakumbinse siya na iboto at i-endorso si Robredo.
Kampante naman si Romeo Moran, na mas kilala sa ring bilang FKA Sandata, na lalong hihigitan ni Robredo ang mga ekspektasyon sa kanyang serbisyo kapag nakaupo na ito sa palasyo.
Ani pa ni Romeo, importante suportahan ng mga lalaki si Robredo dahil nakakatulong itong iwaksi ang pagtingin na mahina ang mga babae.
Aniya ang tunay na siga ay nakikita sa prinsipyo at desisyon ng isang tao.
“Sa tingin ko, importante din na hindi manalo si Ferdinand Marcos Jr. dahil naniniwala ako na patuloy lang ang patayan sa bansa kapag siya ay maihalal,” dagdag nito.
Kamakailan, Nag team-up na rin ang mga volleyball stars na miyembro ng national team na sina Alyssa Valdez, Jia Morado, Dennise Lazaro, Rex Intal, at Ish Polvorosa sa pag deklara ng kanilang suporta kay Robredo.
“Iboboto ko si Leni dahil sa isang tapat na lider, makakaasa ka ng serbisyong nararapat sa bawat Pilipino,” post ni Valdez sa kanyang social media account noong March 2.