Advertisers
BIGLANG naging mainit na balita ang campaign rally ng tambalan nina Bise-Presidente Maria Leonor Robredo at Senador Francis Pangilinan sa Cavite kamailan dahil sa “matinding” akusasyon ni Representative Jesus Crispin “Boying” Remulla na binayaran ang mga nagsilahok sa rally.
Ayon kay Remulla, P500 ang ibinigay sa bawat dumalo.
Pokaragat na ‘yan!
Ang nagsidalo at lumahok ay pumalo sa 47,000 katao.
Sabi ni Remulla, isang pulitiko ang namigay ng pera sa mga nagsidalo.
Napakayaman naman ng pulitikong binabanggit ni Remulla.
Biruin n’yo naglabas siya ng 23,500,000 para dumugin ng napakaraming residente ng Cavite ang campaign rally ng tambalang Leni-Kiko.
Napakatinding pulitiko naman ang binabanggit ni Remulla dahil ginawa niyang maglabas ng P23,500,000 para sa isang rally.
Pokaragat na ‘yan!
Dahil sa isiniwalat ni Boying, biglang pinag -usapan ang naturang aktibidad sa Cavite.
Pambihira ang ipinamalas ni Boying dahil natuklasan ng napakaraming residente ng Cavite na siya ay mahusay magpakawala ng ‘kuwento’ laban sa mamamayan ng Cavite upang mapagtakpan ang kahihiyang sinapit sa mula sa mga pulitikong sinusuportahan ng mga Remulla.
Malinaw na hindi matanggap ng mga Remulla ang ipinakita ng mga Caviteno na ang Cavite ay hindi naniniwala sa mga sinasabi ng mga Remulla.
‘Yan ang masama sa mga pulitiko — masama ang sinasabi sa mamamayan kapag napapahiya sa pinakamaraming tao.