Advertisers
Ni ROMMEL GONZALES
KAHIT may mga nag-aalok ay hindi pumasok sa isip ni Bianca Umali na sumali sa Miss Universe Philippines.
“Hindi po. Honestly, hindi at all.
“Pero marami po ang nagtatanong at nagsasabi na bakit hindi ko po subukan.
“Una ko pong concern ay aabot po ba ang aking height sa height requirement,” at tumawa si Bianca na five feet four inches ang height.
Wala na ngayong minimum height requirement ang mga sasali sa Miss Universe Philippines.
“Ayun po. But… bakit hindi? Iyon lang po siguro ang masasabi ko sa ngayon, bakit hindi.
“Kasi baka naman magbago ang ihip ng hangin in the future pero sa ngayon po e mukhang hindi, wala ho siya sa isip ko.”
Female lead si Bianca sa pangalawang installment ng Mano Po TV series, ang Her Big Boss. And incidentally, kung hindi pala siya artista ay malamang na nasa corporate world si Bianca, either empleyado siya o siya mismo ang boss.
“Actually hindi ko po alam kung na-share ko na ito, pero I believe kung hindi ako nag-aartista isa po sa mga pangarap ko, actually kahit ngayon na artista na ako, gusto kong nag-o-office work!
“Gusto ko yung may mga papel, gusto ko yung may mga tina-type, may mga pinipirmahan, parang yung trabahong secretary, assistant, gusto ko abala.
“So isa yun sa mga dream ko talaga, ang makapag-office work,” rebelasyon pa ng magandang Kapuso actress.
Taliwas sa oras o schedule bilang artista, nais ni Bianca na maranasan ang nine-to-five na working hours sa opisina.
“Yes, yes, yes, isa po yan sa gusto kong gawin.”
Biro namin kay Bianca, kapag ayaw na niyang mag-artista malay niya ay kunin siya GMA bilang isa sa mga executives ng Kapuso Network.
“Puwede naman po,” tumatawang rekasyon ni Bianca, “iyon na lang ang fallback ko at least nasa GMA pa rin ako.”
Umeere na ngayon, gumaganap si Bianca sa Mano Po: Her Big Boss bilang si Irene Pacheco kasama sina Ken Chan bilang si Richard Lim at Kelvin Miranda bilang Nestor Lorenzo.
Kasama rito nina Bianca, Ken, at Kelvin sina Pokwang bilang Becca Pacheco; Teejay Marquez bilang Raven Lim; Ricardo Cepeda bilang Alex Lim; Marina Benipayo bilang Elaine Dy-Lim; Arlene Muhlach bilang Adeng Pacheco; Sarah Edwards bilang Princess Grace Que; Haley Dizon bilang Charlene; Sarah Holmes bilang Rachel Lim; Blue Cailes bilang Lemuel Carrera; Tyrone Tan bilang David; Jem Manicad bilang Solenn; Phi Palmos bilang April at si Lime Aranya bilang Marla Pacheco, the sister of Irene.
Ito ay ay sa direksyon ni Easy Ferrer.
***
KASAMA sa cast ng Widow’s Web na umeere ngayon sa GMA si Allan Paule.
Ang Widow’s Web ay unang proyekto ng bagong Kapuso director na si Jerry Lopez Sineneng pagkatapos nitong lumipat mula sa ABS-CBN.
Kaya tinanong namin si Allan kung ano ang masasabi niya ngayong katrabaho niya ang batikang direktor?
“Working with direk Jerry actually, bata pa lang ako nakatrabaho ko na si direk Jerry. Hindi, joke lang,” tumatawang reaskyon ni Allan. “Matagal na kaming nagkakasama ni direk Jerry, sa kabilang istasyon pa.
“Sa kabila pa lang marami na kaming napagsamahan. So… medyo nanganganay lang kaso medyo matagal napahinga so, pero katagalan nasanay din, nasanay din pero ninenerbiyos pa din hanggang ngayon, kasama sa trabaho yan.
“Ako yata ang pinakamatanda dito e,” tumatawang sinabi pa ni Allan tungkol sa kanilang cast members ng Widow’s Web.
Marunong pa palang nerbiyosin si Allan.
“Oo naman, oo naman. Lalo na at nagkaroon tayo ng pandemya, di ba? So iyon, nagpapasalamat din ako kay direk Jerry, kay Ms. Helen, kay Ms. Kaye sa pagtitiwalang ibinigay nila sa akin para dun sa role, yung role na ibinigay nila sa akin.
“So, nerbiyos pa rin, kasama sa trabaho para at least lagi kang on your toes, hindi yung kampante ka, hindi ba?”
Sina Helen Sese at Kaye Cadsawan ang mga production head ng Widow’s Web at ng GMA.