Advertisers

Advertisers

Patuloy na binabato

0 1,519

Advertisers

ANG punong hitik sa bunga ang tampulan ng mga batang pagala-gala sa pamayanan upang may maiuwi sa bahay sa maghapong paglalayas. Pansamantalang nagbalik tanaw sa nakaraan kasama ang ilang kababata sa isang pamayanan sa loob ng UP Campus. Ang mga batang paslit na nag-iikot sa pamayanan hanggang makarating sa UP Children’s Playground upang ubusin ang maghapon sa paglalaro’t pangunguha ng bungang kahoy sa mga puno na ang labay ng sangay lagpas sa loob ng bakuran. Nariyan na binabato o tinitirador ang kumpol ng bunga at kapagkaraka, takbuhan upang pulutin ang mga nahuhulog na bunga. At kapag lumabas ang may-ari ganun din ang karipas ng takbo at siguradong masisigawan o maipahabol sa aso dahil sa pang-iistorbo sa hapon na natutulog ang mga tao. Nariyan ang tawanan siyempre ang kaba at baka maisumbong sa magulang na tiyak ang palo sa pag-uwi ng bahay, hehehe.

Nabanggit ang karanasan sa kapaslitan upang mapulutan ng aral na hindi lahat ng ibig, maging masaya o makapag-uwi sa bahay ay tama. Ang pagkalap ng kaalaman base sa karanasan ang ‘di nakasulat na layon sa panahon na lumalaki ang tanging kadahilanan na nagawa sa nakaraan. Dahil sa katuwiran na ang kaalama’y ‘di lamang napupulot sa apat na sulok ng silid aralan, kasama dito ang pamayanang ginagalawan, mga kalaro, kaibigan, kapatid at mga di kakilala na nakadaupang palad. Masalimuot ang pagkuha ng kaalaman lalo’t makasama sa ilang tao na ‘di batid ang nais na pwedeng ikapahamak o ikabuti.

Mapalad kung ang nakasamay’ may pagtanaw sa kinabukasan o galing sa mahusay na pamilya’t mabuting magulang na kahit may kahirapan ang buhay ang paggigiya sa mga anak ay tungo sa kabutihan. Walang pagsisino o pinipili kung sino o saan patungo, ang tanging nais ang siyang gagawin ano man ang kalalabasan. Salamat, at ‘di napariwa ng kahapon. Hindi man ganap na naabot ang nais ngunit malaki ang inilayo sa kinagisnan at kinalakihang buhay ang kasalukuyan. Kung noo’y may pagsala sa pagkain sa maghapon, sa awa ng sanlumikha, sa ngayo’y nakakatatlo na ng kain sa hapag kainan at kapag bwenas may merienda pa.



Sa pagsisikap sa buhay, huwag pairalin sa puso at isip ang paninira’t ingit, ang magpunyagi ang daan tungo sa inaasam na pag-unlad. Ang panlililo sa kapwa’y walang malinaw na patunguhan at pansamantala ang tungo sa inaasam na tagumpay. Sa kabila, ang pagsasabi ng katotohanan ang landas sa kalayaan, kapayapaan ng loob, na kasiya-siya sa taong nagnanais ng wagas na paglilingkod sa kapwa at sa bayan. Ang mabuting kalooban at patas sa anumang larangan ang nagpapaganda ng tungalian lalo’t masasabing parehas ang tindig sa laban. Ang pang-iisa sa kapwa upang makaungos sa laba’y ‘di katanggap-tanggap lalo’t batid na ika’y angat sa larangang pinaglalabanan. Lumaban ng may tapang at ng buong katapatan dahil ang makamit ang nais sa malinis na paraan ang pinaka masarap na tagumpay. Meron ba nito sa politika?

Wala, ang sagot sa katanungan sa itaas, ang moralidad sa larangan ng politika’y masasabi lima singko na ‘di dapat paniwalaan lalo’t inugat sa larangang ang hanapbuhay ng tutugon sa katanungan. Makakapagsabing meron ngunit sa likod ng isip nito’y salungat sa sinasabi at sa kinikilos. Walang pagtaas ng kilay na binabangit na ang karanasan sa politika ang pinaka dakilang karanasan, at ang tapat na serbisyo ang puhunan sa pagkakaluklok sa pwestong tangan. Ang masakit, ipinangangalandakan na marami ang mga pinagawa sa bayan tulad ng mga imprastraktura, ayuda, programang kalusugan, gayon na ang lahat ng pinantustos na salapi’y galing sa kabang bayan.Wala ni isang kusing ang naiambag ito sa mga proyektong ipinangalan sa sarili o sa mga napagmanahan ng pwesto. At sa buong panahon ng panunungkulan ang kaginhawahan ng buhay’ galing sa pawis ni Mang Juan. Ibig pilit na ipinamumukha kay Mang Juan na may utang na loob ito sa serbisyong binigay. Pansinin Mang Juan ang kasalukuyang kampanyahan sa halalan..

Mang Juan, nariyan ang mga pahayag ng kandidatong para sa pagkakaisa ang programa at upang maghilom ang sugat ng pagkakahati-hati ng bayan. Subalit sa kabilang dako ng kilos nito, nariyan na binabaklas ang mga campaign materials ng matalik na kalaban upang hindi na makapangenganyo ng manghahalal. Nariyan ang gawi na kahit pag-aari ng pribadong tao’y pinapasok upang baklasin ang mga nagpapakilala sa kandidatong kinatatakutan. Ang siste nito, tila tahimik at inaayunan ng COMELEC ang ginagawang paninirang ginawa ng tagasunod o nautusang ng kandidatong para sa pagkakaisa. Nariyan ang mga dingding na pinahintulutan ng may-ari na gamitin ng mga artists na magpahayag ng kanilang saloobin ng pinaniniwalaan o mga murals. At kapagdaka at nakita ang kinalabasan ng mga ginawa, heto naman ang isang grupo na walang pasabi kung sino ang nag-utos na pinapatungan ng puting pintura ang naunang gawa ng ‘di na makita ng madla ang mensahe ng mga artists na humahanga sa gawa ng kandidatong kanilang napupusuan. Ito ang gawa ng nagsasabi na dapat magkaisa ang taong bayan.

Heto pa, nariyan ang mga pahayag na ang mga dumalo sa campaign rally ng abalang pangulo’y hakot at bayaran. Hindi matangap ng politiko sa isang lalawigan sa So. Luzon na nagbangit ng 800K ang ibibigay na boto kay Boy Pektos. Sa kaganapan sa isang munisipyo sakop nito, nakita na di kaya nito ibigay ang binangit na bilang dahil sa pagdumog ng kalalawigan sa naganap na campaign rally ng kalimbahin. Tila nabantilawan ang politiko at nagsabing hakot at bayaran ang mga dumalo sa nasabing campaign rally ng kalimbahin. Heto pa, nariyan ang isang dating pulis na kasalukuyang senador na tumatakbo sa panguluhan na nagpahayag na ang mga dumadalo sa mga campaign rally ng kalimbahin bukod sa nabayaran eh mga makakaliwa kuno. Galing ang impormasyon kuno sa intelligence group na pinasinungalinan ng grupo ng dating senador Sonny T. na dating pinagpipitagang sundalo. Sino ang paniniwalaan ang humaharap o ang tumatakbo sa laban?

Heto pa, si Totoy Kulambo na parang alingawngaw na nagsasabi na makakaliwa ang mga dumadalo sa mga campaign rally ng kalimbahin at dapat ingatan. Pinag-iingat o tinatakot ang publiko na pag-isipan kung sino ang dapat ihalal sa Mayo. O kinakabahan sa batid na kaganapan sa paglobo ng mga sumusuporta sa grupo ng kalimbahin at baka maunsiyame ang paghahanda sa mga indultong kahaharapin sa pagbaba. Hindi masama na mag-isip at ito ang tama, ngunit ang pambabato ng mga maling akusasyon sa kandidato lalo’t hindi nangunguna sa mga survey ng False Asia, SaWiSi, OCTArt’s at iba pang grupo’y tila sala. At dapat pag-isipan kung totoo o hindi ang sinasabi. Sa mga kaganapan sa mga rally ng kalimbahin tila may mata ang karibal na grupo na parami ng parami ang sumasama at kusa ang pagpunta. Kaya’t ‘di maawat ang grupo ng Inutile na naghain sa COMELEC ng petisyon na maglimita sa mga dumadalo o sumasali sa rally sa ngalan ng pagkontol sa C19. Malinaw ang kaba ni Boy Pektus na pahupa ng suporta at paglipat sa dako ng abalang pangulo. Asahan na magpapatuloy ang mga pambabato ng mga maaanghang na akusasyon ang sasaluhin ng abalang pangulo dahil sa kaba ng katungali sa politika. At ‘di malayo na magsasanib ang mga magkakatungali kuno laban kontra sa babaeng super lakas sa laylayan ng lipunan. Kaya’t sa abalang pangulo, huwag matakot sa pambabato ng kasinungalingan dahil ang pagsanga’y gagawin ng tao ng bayan para sa tunay na pagbabago…



Maraming Salamat po!!!