HINDI seryoso ang isang aplikante na matanggap sa trabaho kung ayaw o takot sa personal na interbyu.
Ganito itinulad ni Aksyon Demokratiko Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga kandidatong pangulo na kailangang magpakita at sumali sa mga presidential debates para sila makilatis ng mga botante.
Hindi dapat iboto ang ganoong kandidato, ayon kay Yorme Isko – na sa CNN Philippines Presidential Debates ay sinabi na ang mga botante ay parang Human Resources Office na kailangang harapin ng isang aplikante sa trabaho.
“Bakit ko iha-hire ang isang tao na hindi naman nag-aapply. E, babasahin mo na lang iyung resume, ‘yung papel? Di mo ba sya tatanungin, kung ano ang skills, kung ano ang karanasan? Paano kita iha-hire kung hindi ka sisipot sa interview?” laging sinasabi ni Iskosa tuwing tatanungin siya ng mga media.
Walang tinukoy na kandidatong presidente si Yorme Isko na iginiit na kung siya ang botante, hindi niya iboboto ang ayaw humarap na aplikante.
Sa debate, hindi lang iyon ang pagkakataon na maipresenta ang mga programa sa gobyerno, sabi ni Yorme Isko.
Mas importante, sa debate, personal na makikita ng mga tao ang tunay na personalidad at karakter ng isang kandidato o aplikante sa pagka-pangulo.
“’Yung debate is just a form at para makilalala ka ng tao nang lubos, na medyo wala ka sa comfort zone mo. Because in a debate or an interview, like this. I don’t know what you are going to ask me. I’m just trying to be myself. Ako, kung sino ako, kung paano ako bilang tao. Para sa akin mahalaga yon,” paliwanag ni Yorme.
Handa siya na humarap sa debate na tulad sa isang aplikante sa trabaho, sabi ng 47-anyos na kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko.
“So, I’ll present myself as an applicant at ang kaharap ko ay HR department, which is the Filipino people. Sila ngayon ang magha-hire, sabi ni Yorme Isko.