Advertisers
INIHAYAG ni Senator at Senate Committee on Health chair Christopher “Bong” Go na patuloy na nagtatrabaho ang Senado para sa ilang panukalang hakbang na naglalayong mapabuti ang paghahatid ng mga serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan ng publiko, lalo sa mga lugar kung saan ang mga lokal na komunidad ay nalilimitahan ng kapasidad at pondo.
Sa isang panayam pagkatapos ng relief operation sa San Isidro, Davao Oriental, tiniyak ni Go na maraming bayarin sa ospital ang aayusin sa mga susunod na linggo.
Nauna nang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 15 local hospital bills na itinaguyod ni Go, ilang sandali bago ipagpaliban ng Kongreso ang sesyon nito mula Pebrero 5 hanggang Mayo 22.
“Mayroon pong iba’t ibang health-related bills. Marami pang ihi-hear kami next week tulad ng mga local hospital bills. Iyong iba naman, iyong mga bagong (local government unit- at Department of Health-run) hospitals na isinulong ng Lower House, ite-take up namin ‘yan sa Senado,” sabi ni Go.
“Noong nakaraang budget deliberation, may isinulong ako na mga Super Health Centers. Parang mas malaki siya sa rural health units, about 500 square-meters na building… Para ito sa mga lugar na walang provincial hospital,” dagdag niya.
Binanggit ng mambabatas na ang gobyerno ay kasalukuyang mayroong halos P3.6 bilyon na magagamit na pondo sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para magtayo ng 305 Super Health Centers. Upang mapalawak ang access sa abot-kaya at komprehensibong pangangalagang medikal, isang Super Health Center ang itatayo sa bawat rehiyon sa buong bansa.
Ang center ay mag-aalok ng iba’t ibang mga serbisyo, kabilang ang laboratory and diagnostic care, pharmaceutical care, birthing units, out-patient services, vaccination services at dental services.
Inulit din ni Go ang kanyang apela para sa pagpasa ng Senate Bill No. 2155, isang panukalang nauna niyang inihain para sa pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).
Ang layunin ng VIP ay bumuo ng mga bakuna laban sa mga virus na banta sa buhay. Ito ay magsisilbing pangunahing laboratoryo ng bansa sa pagbibigay ng virology laboratory investigations, research, at technical coordination ng buong network ng virology laboratories sa buong bansa.
Nanawagan din si Go sa Senado na ipasa ang SBN 2505 na bubuo sa Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC). Ang panukalang batas ay ang pinagsama-samang bersyon ng isang naunang panukalang batas na ginawa niya at inihain noong 2021.
Pangunahing responsable ang CDC sa pagprotekta sa mga Pilipino mula sa mga banta sa kalusugan. Upang maisakatuparan ito, ang iminungkahing center ay tutuklas at tutugon sa mga bago at umuusbong na mga banta sa kalusugan, magsasagawa ng siyentipikong pananaliksik, at magpapadala ng kritikal na impormasyon sa kalusugan sa publiko.
Ang Senate Bill No. 2155 ay kasalukuyang nakabinbin sa Committee on Science and Technology habang ang SBN 2505 ay nakatakda para sa plenary deliberations.