Advertisers
HANGGANG ngayon ay wala paring bakas na nakikita kung saan napunta ang 34 sabungeros na biglang naglaho matapos pumunta ng sabungan ilang buwan na ang nakalilipas.
Ayon sa mga report, dinukot ang naturang mga sabungero pagkagaling ng sabungan, ang iba ay kinuha mismo sa kanilang bahay.
Ang opinyon ng pulisya, ang mga nawawalang sabungero ay nandaya sa online sabong. Yun bang nagpapasok ng mga entry na “tsupi” o pipitsuging manok tapos sa kabila tataya.
Sabi, bago naman dukutin ang mga naturang sabungero ay tinitignan muna ang kanilang cellphone, ang laman ng messages nito. At kapag nakumpirmang may ginawa ngang pandaraya sa sabong ang mga ito ay saka sila dadalhin at… ayon missing na!!!
Kuwento ng mga sabungero, tiyak tigok na ang mga nawawalang sabungero. Kung hindi ibinaon sa lupa ang mga ito ay malamang na itinapon sa bangin sa mga probinsiya.
Ito ay babala narin sa mga sabungero. Huwag mandaya sa sabong at baka bigla rin kayong maglaho sa mundong ibabaw. Kung magsugal, magsugal ng parehas. Sugal na nga, dadayain nyo pa… aba’y talagang mapapatay ka ng mga dinaya mo. Mismo!
Sabi ni Pangulong Rody Duterte, ang pagdukot at malamang pagpatay sa mga nawawalang sabungero ay gawain ng demonyo. Hehehe… nagsalita ang self confess na mamamatay tao.
Pero sino sa tingin ninyo ang demonyong may gawa ng pagkawala ng mga naturang sabungero? Malinis ang pagkagawa ano? O baka magaling lang talaga maghatag sa mga awtoridad ang mastermind ng missing sabungeros? Say nyo, repapips?
***
Talagang hindi dumalo si presidential aspirant Bongbong Marcos, Jr. sa “debate” na inorganisa ng Comelec para sa presidentiables nitong Sabado.
Sa sampung presidentiables, si Marcos lang ang hindi sumipot. Bakante ang upuan sa stage na para sa kanya.
Ano sa tingin mo ang rason nang pagtanggi ni BBM na makipag-debate sa kanyang mga katunggali?
Ang rason niya, waste of time lang daw ito. Dahil paulit-ulit lang naman ang mga tanong, kaparehas lang ng mga tanong sa mga nakaraang debate.
Aba’y isang debate palang naman ang sinipot ni BBM simula nang magsimula ang kampanya sa nasyunal. Hindi siya sumipot sa programa ni Jessica Sojo sa GMA-7, hindi siya dumalo sa pa-debate ng KBP at iba pang radio stations. Ang sinipot niya lang ay ang pa-debate ng kanyang supporter na si Pastor Apollo Quiboloy na mayroon daw “advance questions”.
Sa aking opinyon, kaya hindi sumisipot si BBM sa presidential debates ay dahil takot siyang matanong tungkol sa korapsyon, sa hindi niya pagbayad ng tax at ng kanyang pamilya. Takot siyang matanong tungkol sa kanyang educational background, at takot siyang matanong kung anong aasahan sa kanya kapag nahalal siyang presidente. Mismo?
Sa kabila ng lahat ng ito, si BBM ay nangunguna sa lahat ng surveys sa presidentiables. Malaki ang kanyang lamang sa mga kalaban.
Pero sa mga rali, landslide si Leni Robredo. Talagang hindi mahulugan ng karayom ang mga nakasuot ng pink.
Well, malalaman natin sa May 9 ang katotohan, Mismo!