Advertisers
Tinapos ni Presidential aspirant Manny Pacquiao ang pagbisita sa lungsod ng Cauayan sa Isabela sa pagharap niya sa mga Ilokano sa PROMDI rally Miyerkoles ng gabi.
Libu-libong mga residente ang dumagsa sa Isabela State University para makita si Pacquiao at marinig ang kanyang mga plataporma.
Ayon kay Pacquiao, hindi niya inaasahan na naging mainit ang pagtanggap ng mga Ilokano bagama’t naniniwalang marami ang kanyang fans sa probinsya.
Tiniyak din ni Pacquiao na hinding-hindi siya masasangkot sa pagbili ng boto o pagpapa-raffle sa gitna ng napapaulat na vote buying sa ibang campaign sorties ng ilang katunggali.
Limitado lamang aniya ang budget sa kampanya at hindi siya gagastos nang malaki para lamang makompromiso ang taumbayan.
Dagdag pa ng senador, sakaling palarin ay ipapakita niya sa taumbayan ang kaibahan ng ilang dekadang lumipas sa anim na taon niyang pagseserbisyo.
Sa kanyang talumpati ay muling siniguro ni Pacquiao sa mga Ilokano na ipakukulong ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan.(CM)