Advertisers
BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng kahandaan ng bansa para sa mga darating na krisis sa kalusugan.
Sinabi ito ni Go sa personal niyang pagbisita sa Quirino Memorial Medical Center (QMMC) sa Quezon City at pinuri niya ang patuloy na pagsisikap ng administrasyong Duterte na palakasin ang sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng bansa.
Sinaksihan ni Go ang turnover ng tulong pinansyal na nagkakahalagang P100 milyon mula sa Opisina ng Pangulo sa QMMC at iba pang mga ospital.
Kabilang sa mga benepisyaryo na ospital ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), Philippine Heart Center (PHC) at Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City; Dr. Jose Fabella Memorial Hospital (DJFMH) at Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) sa Lungsod ng Maynila; Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (DJNRMHS) sa Caloocan City; at Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) sa Marikina City. Nakatanggap ang VMMC ng karagdagang P100 milyon para sa pagbili ng mga bagong kagamitang medikal.
Sa talumpati na binigkas ng senador sa kanyang pagbisita, binigyang-diin ng senador ang mga hamon na kinakaharap ng mga pampublikong ospital, tulad ng kakulangan sa imprastraktura at sapat na lakas-tao.
Tinalakay niya ang pangangailangan para sa patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na pahusayin ang mga kakayahan at kapasidad ng mga pasilidad sa kalusugan sa buong bansa upang mapabuti ang access sa pangangalagang pangkalusugan partikular sa mga katutubo.
“Wala pang pandemya, bumibisita na ako sa mga ospital at nakikita kong may naghahating mga pasyente sa iisang kama. Paano sila gagaling, lalo na ngayong may pandemya, kung ganyan ang sitwasyon? Dapat tayong mamuhunan nang higit pa sa ating sistema ng pangangalagang pangkalusugan. Huwag tayong mag-antay ng susunod na pandemya. Dapat pro-active at laging handa tayo,” diin ni Go.
“Kaya bilang Committee Chair on Health sa Senado, hindi ako titigil na ipaglaban kayo kahit talo ako sa debate basta alam ko ang makikinabang ay ang mga mahihirap,” aniya.
Si Go, bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, ay nag-sponsor ng 39 local bills sa ospital sa ngayon. Ang mga panukalang batas, na naisabatas na o nakatakdang isabatas, ay kinabibilangan ng mga hakbang upang i-upgrade ang mga kakayahan, palawakin ang mga kapasidad ng kama at magtatag ng mga bagong ospital sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa.
Noong 2020, itinaguyod ni Go ang panukalang batas na naging Republic Act No. 11501 na nagpapataas sa bed capacity ng QMMC mula 500 hanggang 1,000 na kama.
Nauna niyang itinulak ang pagpasa sa Senate Bill No. 2421, na nagbibigay ng nakapirming buwanang COVID-19 Risk Allowance sa lahat ng frontliners na nakatalaga sa mga pasilidad ng kalusugan para sa tagal ng kasalukuyang estado ng emergency. Inaprubahan ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa noong Enero.
Itinulak din niya ang paglalaan ng kabuuang P51 bilyon sa 2022 national budget para sa kompensasyon ng lahat ng COVID-19 health workers.