Advertisers
Ni MELCHOR BAUTISTA
KASAMA si Piolo Pascual sa hanay ng mga sikat na artistang kinukumbinsi na pumasok sa larangan ng pulitika. Pero hanggang ngayon ay sa showbiz pa rin nakatutok ang kanyang panahon.
Hindi madamot na tao si Piolo. Sina Congresswoman Vilma Santos-Recto at Congressman Yul Servo ang nagpapatunay ng pagiging matulungin ng guwapo at mahusay na aktor sa oras ng pangangailangan, dahil sumusuporta sa kanilang mga proyektong ayuda sa masa sa panahon gaya nu’ng kasagsagan ng pandemya.
Maging sa showbiz ay marami ring ginagawang pagtulong ang Kapamilya actor, pero hindi na nasusulat o napapag-usapan pa, dahil laging tahimik pagkilos ng kanyang mga ginagawang pagtulong. Kaya naman good karma siyang palagi sa buhay at nagtatagal ang popularity.
***
PINAGSABAY ni Angelica Panganiban ang kanyang showbiz career sa panahon ng kanyang mga natapos na pakikipagrelasyon. Nagpapahinga lang matapos ang naunsiyaming lovelife pero sobrang ligawin ng mga kalalakihan ang magandang aktres, kaya hindi nagtatagal na zero ang kanyang lovelife.
Nasa saktong tamang edad na ang pagbubuntis ni Angelica. Maingat siya noon na mabuntis sa mga nagdaan niyang pakikipagrelasyon dahil importante para sa kanya ang pag-aartista. Sobrang busy siya noon sa paggawa ng mga pelikula at paglabas sa mga teleserye.
Nagtatagal ang kanyang mga pakikipagrelasyon pero wala pa sa plano niya noon ang magbuntis siya agad dahil marami pa siyang gustong gawin.
Sobrang mahal pa rin ni Angelica ang pag-aartista. Pero happy na rin siya kung hanggang saan nakarating ang kanyang kasikatan sa showbiz. Handa na rin siyang harapin ang bagong chapter ng kanyang buhay kung saan happy na rin siyang makabuo ng sarili niyang pamilya.
***
PASOK na sa ika-49 na taon ang pelikulang “Lipad, Darna, Lipad!” na ipinalabas noong 1973 na naging blockbuster hit sa mga sinehan at sinasabing pinakamagandang bersiyon ng Darna na unang nagpatunay sa pagiging Box-office Queen ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Ang karakter ni Darna ay likha ng mayamang panulat ng yumaong nobelistang si Uncle Mars Ravelo. Sa pagsulat ng kuwento na laging naisasapelikula ay magaling si Uncle Mars kumilatis sa pulso ng masa, dahil bukod sa pagiging nobelista ay nagmamay-ari rin si Ravelo noon ng isang malaking publication ng mga sikat na babasahin sa buong Pilipinas ‘tulad ng Bulaklak Magazine, Kampeon Komiks at iba pa.
Ginawa ang bersiyon ng Darna ni Vilma sa panahong sikat na sikat ang nobelang Darna ni Ravelo sa Komiks na sinusubaybayan ng mga mambabasa.
Nakalulungkot lang, nawala ang kopya ng sinasabing pinakamagandang bersiyon ng Darna kaya marami ang bigo sa mga nagnanais na mapanood ang unang Darna na ginawa ni Vilma. Maging ang Star for All Seasons ay nanghinayang sa pagkawala ng kopya nito dahil apat na bersiyon ng Darna ang kanyang pinagbidahan.