Advertisers
NAGBABALA ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na ang pag-boto sa mga Partylist ng Makabayan Bloc, ay pag-boto rin sa mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Ito ang kanilang inilahad sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC) na ginanap sa National Press Club nitong Lunes kung saan 13 dating mga rebelde ng CPP-NPA-NDF ang nagsabing ang mga kinatawan ng mga Partylist na kabilang sa Makabayan Bloc sa Kongreso gaya ng Kabataan, Karapatan, Anak Bayan, Bayan Muna, Act-Teachers at Gabriela ay likha lahat ng Central Committee ng CPP-NPA-NDF sa pangunguna ni Jose Maria”Joma” Sison.
Ang kanilang “common ground” o pagkakapareho ayon kay Jeffrey Celiz, alias Ka Eric, ay na-recruit lahat sila sa CPP-NPA-NDF ng mga ‘legal fronts’ nito, kabilang na ang mga partylist ng Makabayan Bloc.
“Una paakti-aktibista lang at kalaunan ay naging NPA fighters na ,” sabi ni Celiz, na noon pang 1987 nalokong sumali bilang bahagi ng Partido ng Bayan.
Sabi ni Celiz, nalaman niya nang personal kung paano nabuo ang mga partylist ng CPP-NPA-NDF, na ginawa nila upang makapasok sa pamahalaan, una sa Kongreso upang magbigay daan sa pag-agaw at pagpapataob ng gobyerno at isailalim ito sa komunismo.
Unang nabuo ang Bayan Muna Partylist na naging daan para mapatalsik ang Administrasyong Joseph Estrada kung saan nakakahalubilo niya sinaTeddy Casiño, Satur Ocampo at Neri Colmenares.
Si Jade Cinco, ng Samar, alias Ka JR na pumasok noong 2015 bilang recruit ng Kabataan Partylist at naging Secretary General matapos ang dalawang taon, ay nagbunyag na siya rin ay naging recruiter ng mga kabataan para maging NPA. Maging mga nanay, teacher at magbubukid ay hinihikayat daw niya na sumali sa mga Partylist na Gabriela, Act-Teacher at Bayan Muna.
Dito daw niya nakilala at nakadaupang palad pa sina Sarah Jane Elago at Neri Colmenares.
“Di ito red tagging. Si Elago nagsabi, kayong mga taga-Samar, Region 8 pumunta na kayo sa kanayunan at humawak ng baril. Dapat magrecruit pa tayo sa armadong pakikibaka,” ang kwento ni Cinco patungkol sa mga sinabi ni Elago. Dagdag pa niya si Colmenares naman daw ay nakita niyang nagaabot ng envelope na may pera sa isang Luna Sevilla ng NPA, para sa panggastos ng grupo.
Para naman Kay Alma Gabin alias Ka Janel, dating pangatlong pinaka-mataas na opisyal sa Eastern Visayas, alam niya kung paano pinipili ang magiging nominee ng mga Partylist ng CPP-NPA-NDF at kung paano nakikipag-alyansa sa mga kandidato ang mga komunistang-terorista.
“Mayroong national electoral committee at regional electoral committee na tumatalakay kung sino ang dapat maging nominee. Mayroon din National United Front Committee na siyang tumutulay sa mga kandidato para makipag-kasunduan kapalit ang ilang mga bagay-bagay,” paliwanag ni Gabin.
Ganun din ang ibinahagi ni Lady Desiree Miranda, alias Ka-Shane, na na-recruit sa Anakbayan sa murang edad lamang na 14, ang kanyang recruiter ay isang estudyante ng University of the Philippines na kanya pang naging asawa ngunit napaslang sa isang enkwentro sa Quezon.
Ikwinento niya kung paano nagpalitan bilang mga nominee sina Kabataan Partylist, Representative Raymond Palatino at Terry Ridon.
“Noong 2012, ang Kabataan (Partylist) ay nakapapatayo ng building na tinawag na Central Luzon Youth Development Center ngunit ginamit lamang ito sa pagrerecruit ng mga kabataan para maging NPA,” aniya.
“Tama na ang inyong pagpapanggap na wala kayong koneksiyon (sa CPP-NPA-NDF). Di kami magsasakripisyo ng ganito, kargo ng aming mga konsensiya (ang patuloy na pagkamatay ng mga kabataan) kapag may nauulilang mga magulang,” ang hamon ni Miranda.
Lahat silang mga dating rebelde ay nanawagan sa publiko at mga botante na maging ‘maanalisa’ upang di na makapangloko pa ang mga partylist ng Makabayan Bloc at tinawag pa itong Kamatayan Bloc sa Kongreso.
Binalaan din nila ang mga politikong makikipag-alyansa sa mga Makabayan Bloc na lolokohin lamang ang mga ito. Dahil wala talagang kinakaibigan ang mga komunistang-terorista lalo na kung di nila papakinabangan sa kanilang planong pataubin ang pamahalaan.
Ang mga Makabayan Bloc daw ngayon ay sakit na ng lipunan gaya ng KABAG. (KABATAAN, ACT-TEACHER, BAYAN MUNA, ANAKPAWIS, at GABRIELA).