Advertisers
Sama-samang humarap sa mga mamahayag ang mga vendors ng Divisoria market para iparating ang kanilang mga hinaing patungkol sa pagkakabenta ng naturang establisiyemento.
Isang tanyag na lugar ang Divisoria market na hindi lang sa Maynila kundi sa buong bansa. Kilala ito dahil sa mura at bagsak presyong mga paninda. Sikat ang lugar na ito bilang sentro ng kalakalan para sa mga reseller at mga mamimili na gusto makatipid.
Matindi ang naging hinaing ng mga vendor nang linlangin sila ng Pamahalaan Lungsod ng Maynila dahil sinabihan sila na ipapaayos lang muna o ipapa-re-renovate ang nasabing lugar kung kaya’t kailangan nila ito muna bakantihin, ngunit sa kasagsagan ng pandemya nalaman na lang nila na naibenta na ang lugar na kanilang pinagkukunan ng kabuhayan at wala man lang magandang aksyon ang kasalukuyang administrasyon para sa kanilang mga naghahanap buhay.
Kaya nagpasaklolo ang mga manininda nang makatanggap sila ng liham buhat sa Market Adminstration office noong Nobyembre 11, 2020 at ipinagbigay sa kanilang kaalaman na isasara ang Divisoria Public Market simula Enero 31, 2021 upang magbigay daan sa gagawing konstraksiyon sa bagong itatayong gusali sa Tabora St., Comercio St., M.De Santos St., at Sto. Cristo St., Binondo, Manila .
Inabisuhan din ang mga vendors na i-turn-over ng mga ito ang kanilang mga puwesto o stalls sa naturang tanggapan upang maiwasan ang anumang abala.
Nakalahad din sa natanggap na liham ng mga vendors, na kung mayroon silang mga updated na permits at licenses maaari silang makakuha ng stalls sa Pritil Market sa pamamagitan ng pagsusumite ng application sa Market Admin. office bago ang closure ng Divisoria Public Market.
Tinagurian pa ng grupo ng mga vendors ang mga sangkot sa maanomalyang bentahan na pawang mga berdugo ang mga ito at hindi na naawa sa mga maralitang manininda ng Maynila.
Naunang napabalita ang pagpapabaklas ng mga kartilya ng mga sidewalk vendor dahil sa mga clearing operation na inaprubahan ng konseho, kung saan daan daang vendors ang nawalan ng pagkakakitaan.
Napag-alaman na naibenta ang Divisoria market sa halagang P1.446 sa Festina Holdings sa pamamagitan ng City Resolution 180 upang magkaroon ng karapatan ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na nirerepresenta ni Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, na ibenta sa pamamagitan ng public auction ang nasabing palengke.
Isa sa ginawang dahilan ng nasabing bentahan na gagamitin ang mapagbebentahan bilang pondo para sa implimentasyon ng City’s Action Plan laban sa Covid-19 at iba pang pampublikong serbisyo at programa ng lungsod.
Sadyang nagtataka ang mga vendors kung bakit nakalikha ng batas na inisponsoran ni Konsehal Joel R. Chua, Majority Floor Leader, na naipasa sa Konseho upang magkaroon ng karapatan ang alkalde ng lungsod na maipagbili ang isang ‘patrimonial property’ sa Maynila at nilagdaan nina Vice Mayor Maria Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, Presiding Officer City Council, Manila; at Ernesto C. Isip, Jr., President Pro-Tempore and Acting Presiding Officer City Council, Manila.
Ayon kay Emmanuel Plaza, pangulo ng kooperatiba ng Divisoria Public Market na lumapit na rin sila sa Senado at Malakanyang para gawan ng kaukulang aksyon ang kanilang naging suliranin sa naganap na bentahan dahil karamihan sa kanila dekada nang nagtitinda sa nasabing palengke.
Inihahanda na rin ng mga naapektuhan vendors ang kaukulang kasong isasampa sa mga taong sangkot sa bentahan ng nasabing palengke.