Advertisers

Advertisers

Pagtanggi ni Marcos na magbayad ng buwis, patunay na ‘social divide’ – Alex Lacson

0 262

Advertisers

Ang hindi pagbabayad ng mga pananagutan sa buwis ng pamilya ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos, kahit na ang mga ordinaryong Pilipino ay obligado na sumunod sa batas, “ay sumasalamin sa isang malaking pagkakahati at kawalan ng hustisya.”

“Ang karaniwang Filipino, kapag malinaw sa kanila na may dapat ibigay sa pamahalaan, kusang loob nilang ginagawa,” sabi ng abogadong si Alex Lacson.

“Hindi ba’t inhustisya kapag may mayayamang pamilya na hindi tumatalima sa batas?” ani Lacson na tumatakbong senador sa ilalim ng hanay ng Robredo-Pangilinan tandem.



Sinabi ni Lacson na pinili ng pamilya Marcos na balewalain ang kahilingan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na bayaran ang kanilang tax liabilities habang ang publiko ay tumatanggap ng napakaliit na halaga bilang abuloy tuwing may krisis.

“Ang karaniwang tao, ayuda o abuloy lang ang natatanggap. Tulad ng P500 na ayuda ng Duterte administration para sa mga mahihirap dahil sa pagtaas ng oil prices, kakasya ba yun?” aniya.

Nitong buwan lamang, kinumpirma ng BIR na nagpadala ito ng liham noong Disyembre 2021 na humihiling sa pamilya Marcos na bayaran ang kanilang estate tax liabilities na nagkakahalaga ng P203 bilyon.

Sinabi ni Lacson na ang pinakamahihirap sa mga mahihirap ay obligado na magbayad ng buwis sa pamamagitan ng VAT at E-VAT “sa gitna ng kanilang lumalalang kondisyon dahil sa pandemya at pagtaas ng presyo ng langis.”

“Yung mga kapos sa buhay, nagbabayad sila ng buwis kahit nahihirapan sila,” aniya.



“Nakita naman natin sa mga interview, mukhang hindi naman naghihikahos ang mga Marcos. Bakit ang hirap para sa kanila na magbayad ng buwis na dekada nang sinisingil sa kanila?” ani Lacson.

“Tapos may gana pang tumakbo yung isa sa kanila sa pagka-pangulo? Anong pamahalaan ang aasahan natin dyan?” dagdag niya.

Nagbabala naman si dating BIR Commissioner Kim Henares laban sa pagbabalewala ni Ferdinand “Bongbong” Marcos sa batas, lalo na kung siya ang susunod na pangulo.

“Kung babalik ang mga yan sa kapangyarihan, aasahan ba nating susunod sila sa batas? Aasahan ba nating igagalang nila ang ating mga karapatan?” ayon kay Henares sa talakayan na pinangunahan ng 1SAMBAYAN nitong nakaraang linggo.

Sinabi ni Henares na ang mga tagapagmana ng dating diktador ay hindi ignorante sa mga batas sa pagbubuwis sa bansa.

“Kahit hindi ka maalam sa batas, malinaw na may utos ang BIR na magbayad ng buwis ang mga napag-iwanan ng diktador,” aniya.

Sinabi ni Sonny Africa ng Ibon Foundation na nabigo ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na magamit ng maayos ang sistema ng pagbubuwis ng bansa.

“Naging kalakaran na ng Duterte administration na gamitin ang sistema ng pagbubuwis sa mga kalaban at gamit na tulong sa mga alyado,” ani Africa.

“Kung mapapatakbo lang ang tamang implementation ng pagbubuwis sa bansa, makakatulong ito sa paglago ng pondo at maiiwasan ang labis na pag utang,” aniya.

Binigyan diin ni Africa na ang P500 na tulong para sa pinakamahihirap na 50% ng mga pamilya ay malayo pa rin sa kailangan ng mga ordinaryong Pilipino at mas mababa kaysa sa kung ano ang kayang ibigay ng gobyerno.

“P500 barely makes up for inflation in the past year and won’t do anything for price increases to come,” aniya.

“Also, it’s the poorest 70-80% of Filipinos who don’t have savings or are on the edge of poverty that need help and not just the poorest 50%,” dagdag ni Africa.