Advertisers
Advertisers
Advertisers
MASIGLA, malakas na turismo ang makatutulong upang maibangon ang lugmok na ekonomya ng Misamis Oriental, at ito ang ipinangako ni Aksyon Demokratiko standard bearer Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Martes, Marso 29 na susuportahan kung maipananalo ang eleksiyon sa Mayo 9, 2022.
Nabatid ni Yorme Isko na 4.2 milyong trabaho ang pinerwisyo ng pandemya at mga kalamidad na naranasan sa lalawigan.
“May awa ang Diyos, sa tulong ng tao, pinalad tayo na maging pangulo, ay tatargetin natin na mapalaki ang turismo sa buong bansa para pag may trabaho,may makakain. Pag may makakain, that answers your problem,” sabi ni Yorme Isko sa interbyu, matapos ang pagbisita kay Misamis Oriental Governor Yevgeny Vincente ”Bambi” Emano sa kapitolyo ng lalawigan.
Isa sa pangunahing industriya sa Mindanao ay turismo at isa ang Cagayan de Oro City (CDO) na pinagdarausan ng mga miting, kumperensiya at iba pang pambansa at internasyonal na aktibidad.
Umaabot sa 400 aktibidad kada taon sa CDO at dito, mayroong 5,000magagandang kuwarto sa maraming hotel na kayang tumanggap ng 3,000 sa isang pagtitipon.
Ipinangako ni Moreno, sisiguraduhin niya ang paglakas at pagpapasigla ng turismo sa Mindanao, pati na ang pagtatayo ng maraming proyekto sa impraestruktura, pagpapalago ng negosyo nang maibangon ang ekonomya na sinalanta ng kalamidad, at ng pandemya. (BP)