Advertisers
BINIGYANG-DIIN ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahalagahan ng pagpapanatili ng matigas na paninindigan ng gobyerno laban sa iligal na droga kahit wala na sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Hangad ko po na maipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga kahit tapos na ang termino ng Pangulo,” sabi ni Go matapos niyang asistehan ang mga residente ng Island Garden City of Samal sa Davao del Norte kamakalawa.
“Hindi po lingid sa ating kaalaman na patuloy pa rin ang problemang ito sa ating lipunan kaya sana ay huwag tayong magpahinga sa paglaban sa salot na ito,” idiniin ni Go.
Noong Martes, sinabi mismo ni Duterte sa kanyang lingguhang Talk to the People brief ang posibilidad na muling sumigla ang iligal na droga kapag natapos na ang kanyang termino.
“I do not really say it with certainty that illegal drugs will return,” anang Pangulo.
“Maybe a resurgence a little bit. Trying to feel,” dagdag ni Duterte.
Una rito, binigyang-diin ni Go na patuloy na pinalalakas ng gobyerno ang kampanya laban sa iligal na droga habang nagbibigay din ng komprehensibong diskarte para sa mga indibidwal at kanilang pamilya na naging biktima ng iligal na droga.
“Habang pinalalakas natin ang ating paglaban sa katiwalian, kriminalidad, at iligal na droga, ang mga pagsisikap na mapangalagaan ang kapakanan ng mga biktima ay isa ring pangunahing prayoridad,” aniya.
“Ito ay bilang pagtupad sa panata ng ating Pangulo na tapang at malasakit,” anang mambabatas.
Naipasa na ang mga batas na nagta-target sa mga kriminal na sangkot sa mga krimen na may kinalaman sa droga, ayon sa Senador.
“Bukod sa paglaban para sa kaligtasan at seguridad ng bansa laban sa banta ng mga iligal na sangkap, dapat ding bigyang pansin ang rehabilitasyon at pagbangon ng mga naapektuhan,”ani Go, chair ng Senate Committee on Health.
Noong 2019, inihain ni Go ang Senate Bill No. 399 na naglalayong suportahan ang patuloy na kampanya laban sa iligal na droga sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang drug rehabilitation center sa bawat lalawigan, sa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Health.
Ang mga indibidwal na nagdurusa sa pagkagumon ay biktima rin ng mga kriminal sa droga, sindikato, at iba pang oportunista at hindi dapat bigyan ng stigmatize.
Sa halip, ang mga biktima ay dapat bigyan ng pagkakataon na gumaling mula sa kanilang pagkagumon, muling simulan ang kanilang buhay, at muling mabuo sa lipunan. Ito, aniya, ay naaayon sa “tapang at malasakit” na mensahe ng Pangulo.
“Ang mga adik sa droga ay dapat tratuhin bilang mga biktima na nangangailangan ng medikal, sikolohikal, at espirituwal na tulong, na may layuning muling maisama sa lipunan bilang malusog at produktibong mga mamamayan,” ani Go.