Advertisers

Advertisers

Smartmatic-Comelec contract sa computerized polls, illegal — OSG

0 404

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “.. Saan ninyo ihahambing ang Diyos at kanino ninyo siya itutulad? Siya ba’y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao, na binalutan ng ginto, at ipinatong sa pilak? Hindi rin siya maitutulad sa rebultong kahoy matigas man ang kahoy at hindi nabubulok, na nililok upang hindi tumumba at mabibili lang sa murang halaga…” (Isaias 40:18-20, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

ILEGAL ANG KONTRATA NG COMELEC AT SMARTMATIC PARA SA COMPUTERIZED ELECTIONS SA HALALAN 2022, AYON SA OSG: Ilegal ang kontratang nilagdaan ng Commission on Elections at ng Smartmatic Inc. na kumikilala sa Smartmatic Inc. bilang may-ari pa din ng mga sistemang gagamitin ng mga computers para sa mga halalan sa bansang Pilipinas.



Ang pagiging ilegal ng kontrata na nagbibigay karapatan sa Smartmatic Inc. bilang may-ari pa din ng mga sistemang gagamitin ng mga computers sa halalan ay makikita sa Article 11.1. ng “Contract for the Procurement of AES Software”, ayon Office of the Solicitor General sa kaniyang sulat sa Comelec noong isang linggo.

Binigyan ng ilang kawani ng Comelec Information Division, ang Comelec unit na pinamamahalaan ni Director James Jimenez, ang Kakampi Mo Ang Batas ng kopya ng sulat ng OSG sa Comelec.

Sinabi ng OSG na hindi puwedeng ang Smartmatic pa din ang kikilalaning may-ari ng nasabing mga sistema dahil ang pagmamay-ari ng mga sistemang ito na ginagamit ng mga computers sa eleksiyon ay itinatakda ng Konstitusyon at ng mga batas pang-halalan sa kamay lamang ng gobyerno, sa pamamagitan ng Comelec.

Kung ang Smartmatic pa din kasi ang itinuturing ng Comelec na may-ari ng nasabing mga computer systems, ayon sa mga dalubhasa, magkakaroon ang kompanyang Smartmatic, na pag-aari ng mga dayuhan, ng kontrol sa sistema ng halalan sa Pilipinas.

-ooo-



SMARTMATIC, HINDI ANG COMELEC, ANG MAY KONTROL SA MGA HALALAN SA PILIPINAS, BATAY SA NILAGDAAN NILANG KONTRATA: Lilitaw na ang Smartmatic, hindi ang Comelec, ang makakapag-utos sa mga makinang gagamitin sa halalan, una sa pagboto, sa bilangan ng mga boto, at sa pagpapadala ng resulta ng bilangan sa mga presinto, sa mga lungsod at bayan, at sa mga lalawigan.

Sa ganitong sitwasyon, dagdag din ng mga dalubhasa sa computerized elections, mga dayuhang walang paki-alam o malasakit sa bansa ang tunay na may kontrol ng mga lalabas na mananalo.

Sa ilalim ng mga batas, maaaring bumili ang Comelec mula sa mga dayuhan ng mga sistemang gagamitin ng mga computers sa halalan, bilangan, at pagpapadala ng resulta, pero, ang Comelec, wala ng iba, ang may tanging kapangyarihang maglagay ng mga utos sa mga makina upang matiyak ang tapat at malinis na halalan, ayon kay dating Judge Angelina Mauricio.

Sa kasalukuyan, lumilitaw na ang Smartmatic ang may kontrol ng mga computer systems (o kilala bilang computer election software) na ginagamit ng Comelec sa mga halalan sa Pilipinas, mula pa noong umpisahang gamitin ang Smartmatic sa bansa noong 2010, sa halalang si Benigno Aquino III ang sinasabing kuwestiyonableng nanalo.

Ang kawalan ng kontrol ng Comelec sa mga computer systems ng Smartmatic ay siyang sinasabing dahilan kaya noong halalan noong 2016, nagkaroon ng biglaang kakaibang mga resulta sa bilang ng mga botong tinanggap ng mga kandidato noon sa pagka-bise presidente.

Noong gabi bago magsara ang bilangan matapos ang unang bugso ng counting, lamang ang isang kandidato ng halos isang milyong boto. Laking gulat ng lahat dahil kinaumagahan, nag-iba na ang resulta at ang dating may lamang ay siya ng nalamangan, at tuluyan na ngang natalo.

Lumilitaw, batay sa mga kasong nakarating sa mga autoridad, pati na sa hukuman sa Manila, na binago ng isang Smartmatic official ang computer system sa halalang iyon.

-ooo-

COMELEC, MAYROONG LIMANG ARAW UPANG SAGUTIN ANG SULAT NG OSG TUNGKOL SA SMARTMATIC AUTOMATED ELECTIONS CONTRACT: Nasampahan ng kasong kriminal ang Smartmatic official pero, sa di malamang dahilan, nakatakas at nakalabas ng bansa ang opisyal na ito, kaya naman wala ng nadinig pa sa kaso laban sa kaniya.

Sa pananaw ng Office of the Solicitor General, kailangang magpaliwanag ng Comelec kung sino nga ba ang may kontrol sa mga computer systems na gagamitin sa Halalan 2022—ang Comelec ba o ang Smartmatic.

Nais din ng OSG na liwanagin ng Comelec kung ang mga opisyales at kawani nito ang siyang nangangasiwa sa lahat ng mga software at servers na gagamitin sa Halalan 2022, at hindi ang sinuman mula sa Smartmatic, Inc.

Nagbigay ang OSG sa Comelec ng limang araw upang tugunin ang mga puntong inilabas nito sa kaniyang sulat. Ang limang araw na deadline para sa tugon ng Comelec ay magtatapos ngayong Marso 29, 2022.

Hihintayin ng Kakampi Mo Ang Batas ang nasabing tugon ng Comelec, kung mayroon man, subalit, sa mga susunod na araw, sa pahintulot ng Diyos, patuloy ang ating palatuntunan sa pagtalakay sa mga bahagi ng sulat ng OSG sa Comelec tungkol sa Smartmatic.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG! REAKSIYON? Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/Kakampi Mo Ang Batas, Radyo Pilipino stations, Luzon, Visayas, and Mindanao, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Newsbreak Media Company, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, at 95.5. J FM network. Para sa mga reaksiyon: +63 947 553 4855, batasmauricio@yahoo.com.