Advertisers

Advertisers

Tax amnesty ok sa nahihirapang negosyante, pero ‘no’ sa mayamang ayaw magbayad ng utang – Moreno

0 225

Advertisers

OKAY lang kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso na bigyan ng tax amnesty at tax holidays ang MSMEs (micro, small and medium-sized enterprises) na sinalanta ng COVID-19.

“Gusto natin ‘yan, pero ‘ yung tax amnesty dapat sa mga negosyante na nahihirapan, talagang dapat sila na ating tulungan. Basta makakatulong sa tao para makapaghanapubhay, payag ako, tutulong ako,” sabi ni Yorme Isko sa media sa kampanya ng Aksyon Demokratiko sa Gitagum, Misamis Oriental kamakailan.

Pero kung ang bibigyan ng amnestiya ay mayamang pamilya na may utang sa gobyerno, sinabi ni Yorme Isko, na “‘yun ang dapat bantayan natin.”



Nabanggit ang amnestiya dahil nanawagan sa gobyerno si dating Sen. Bongbong Marcos na magpatupad ng kaluwagan sa mga negosyong nagsara o nagbawas ng mga kawani bunga ng lockdown at pinsalang gawa ng pandemyang COVID-19.

Sa isang live stream video, hinamon ni Isko ang pamilya Marcos na bayaran ang P203-bilyong estate tax na dinesisyonan ng Supreme Court na utang sa pamahalaan.

“Mayaman naman sila, kayang-kayang bayaran nila ‘yun. Dapat honest siya (Bongbong) sa taumbayan. Bayaran na nila kasi utos yun ng batas, final na, tapos na, sabi ng Supreme Court,” sabi ni Yorme Isko.

Lumobo na sa P203-bilyon ang utang na buwis na ipinangako ni Yorme Isko na gagamitin pang-ayuda sa milyon-milyong pamilyang Pilipino kung siya ang maging pangulo.

Kung masisingil niya, at siya ang pangulo, sinabi ni Yorme Isko na magbubukod siya ng pondo mula sa makokolektang P203 bilyong estate tax sa pagbili ng barko upang mapalakas ang pagpapatrulya ng Philippine Coast Guard (PCG) sa pasigan ng bansa.



Bukod sa pagpapalakas sa PCG, itutulong din sa pagbili ng murang pataba para sa magsasaka at iba pang ayuda sa tao.

“Talagang grabe ang krisis na kinakaharap ng tao ngayon, ‘yung P203-billion (estate tax), gagamitin natin for public service sa taong bayan,” sabi ni Yorme Isko.

“Maililista na iyon sa tubig,” sabi ni Ernest Ramel, chairman ng Aksyon sa isang interbyu at tinawag na walang karakter si Bongbong Marcos sa patuloy na pagtanggi ng pamilya nito na bayaran ang utang na estate tax.

Matibay ang sagot ni Yorme Isko na hindi niya bibigyan ng tax amnesty ang pamilya Marcos kung siya ang maging pangulo sa eleksiyon sa Mayo 2022. (BP)