Halos 3.4M vaccines na-deploy na sa Maynila
Advertisers
IPINAGMAMALAKING inanunsyo ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno na halos 3.4 milyong bakuna na ang na-deploy sa Maynila.
Dahil dito ay pinuri at binati ni Moreno ang lahat ng nasa likod ng vaccination program ng pamahalaang lungsod.
Sinabi ni Moreno na hanggang alas sais ng gabi noong March 28 ay ipinapakita ng vaccination data sa Maynila na may kabuuang 3,385,924 vaccine doses na ang naiturok.
“Keep it up, Team Manila!” Ayon kay Moreno kasabay ng papuri niya sa mga vaccinating teams na nasa ilalim ng direktang superbisyon ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan.
Nitong Lunes lang ay mayroong kabuuang 3,477 doses ang na-deploy sa iba’t-ibang itinakdang vaccination sites sa lungsod.
Tiniyak ni Moreno sa mga residente na patuloy ang proseso ng pagbabakuna sa kabila na mga nagaganap na kampanyahan sa pulitika. Sinabi pa ng alkalde na tuloy-tuloy din ang ‘open policy’ para sa pagtanggap ng mga walk-ins at non-residents ng Maynila.
Hinikayat ng alkalde ang mga hindi pa nababakunahan na magpabakuna na dahil hindi na punuan ang mga vaccination sites na katulad ng dati. Idinagdag pa niya na nasa paligid lang ang COVID-19 kaya mahalagang makapagpabakuna upang magkaroon ng proteksyon.
Pinaalalahanan din ng alkalde ang publiko na huwag magpabaya at patuloy na gawin ang itinakdang health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay at social distancing.
“Sama-sama tayo tungo sa tuluyang pagsugpo sa COVID-19 mga Batang Maynila! Maraming salamat po sa inyong patuloy na pakikiisa sa ating #VaccineNation campaign. Manila, God first!,” sabi ni Moreno . (ANDI GARCIA)