Advertisers
NASA kamay ng mga botante ngayong Halalan 2022 ang kapangyarihan kung pipiliin nila ang isang lider na magpapaahon sa ekonomiya o magpapalubog pang lalo sa atin sa kahirapan, ayon kay retired brigadier general at dating Information and Communications Technology Secretary Eliseo Rio, Jr.
Inihayag ito ni Rio sa isang panayam bago ang ginawang press conference at paglagda ng manifesto ng pagsuporta ng ‘Generals for Ping,’ sa pangunguna ni dating Antipolo Rep. Romeo Acop, para tukuran ang kandidatura ni presidential candidate at kapwa nila cavalier na si Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson.
“We think he (Lacson) is the best candidate that our country can have in this very trying time. This 2022 election is the most crucial in our history. The result of this election will determine—mark my words—whether our country will float or sink,” sabi ni Rio.
Tumakbo si Lacson sa halalang pampanguluhan ngayong 2022 tangan ang misyon na muling ibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng pag-alis ng korapsyon, at pagpapatupad ng tamang paggastos sa pambansang budget na kinakailangan ng bansa dahil sa epekto ng pandemya ng COVID-19.
“Dahil talagang dito sa pandemic ang ekonomiya ay bumagsak. Halos maraming walang trabaho and things like that. So, we need a strong leader whose only focus is the development of our country,” dagdag ni Rio.
Sabi pa ni Rio, na isa ring electronics engineer, nakita niya kay Lacson ang katangian ng isang lider na kayang mag-ayos sa mga problema ng bansa, lalo pa’t siya rin ang nagsiwalat ng mga anomalya sa mga transaksyon sa gobyerno kahit pa nasa gitna tayo ng pandemya.
“Si Ping Lacson ang nagdiskubre na ‘yung binibili natin na Sinovac ay four times, five times more than ‘yung the same Sinovac na binili ng Indonesia. So, nakikita niyo na kahit may krisis na tayo sa pandemya, may tao pa ring nag-iisip na kumita sa pandemya na ‘yan,” aniya.
Nanawagan din si Rio sa mga botante na huwag maniwala sa pinapasikat na kandidato na sinasabing nangunguna na sa presidential race, kahit pa may kasaysayan ng katiwalian ang angkan na kinabibilangan nito, na nagdulot ng matinding kahirapan sa bansa dahil sa 20-taon nilang pagnanakaw sa bayan.
“Dapat makita ng tao ‘yan kung ano ‘yung focus… Iba ‘yung sinasabi nila, pero tingnan mo kung ano ‘yung talagang purpose nila… Mga simpleng bagay na magbayad ng taxes, and things like that, hindi nila ginagawa. Pero unfortunately, sila ang supposedly popular, ano,” saad niya.
Iginiit ng dating kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kahalagahan ng pagpili ng pinakamahusay na kandidato at hindi ang pinakapopular, upang makamit natin ang pamahalaan na nararapat sa ating kaunlaran, tungo sa maayos na bukas para mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
“If we go by that (popularity mindset), we will never improve as a nation, because popularity kuwan ba ito? Is our democracy based on the popularity of the candidates? No. It is supposed to be based on the qualifications, ‘yung kanilang nagawa na sa bansa natin,” mensahe ni Rio sa mga botante.