Advertisers

Advertisers

Lacson-Sotto aprub sa pabahay, kotse para sa mga Pinoy scientist

0 335

Advertisers

MAGKAKAROON ng libreng pabahay at pasasakyan mula sa gobyerno ang mga siyentista sa ilalim ng pamumuno ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson dahil layunin niya na iangat ang kanilang dignidad at masuklian ang kanilang mga ambag para sa bayan.

Inihayag nina Lacson at running mate na si vice presidentiable Vicente ‘Tito’ Sotto III na kung sila ang mananalo ay itataas nila ang suweldo at benepisyo ng mga siyentistang nananaliksik para makabuo ng mga bagong produkto mula sa mga raw material ng ating mga magsasaka.

Bukas din ang tambalang Lacson-Sotto sa mungkahi ni dating Agriculture Secretary at senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol na ihiwalay ang mga siyentista na empleyado ng gobyerno sa normal civil service salary grading at bigyan sila ng espesyal na pasuweldo para ganahan sila na manaliksik pa.



“Tama ‘yung sinabi ni Sec. Manny Piñol. Scientist ka, bigyan ka ng incentive, bigyan ka ng mataas na salary grade, alisin ka doon sa linyada sa civil service ng Civil Service Commission,” ani Lacson sa kanyang pakikipagdayalogo sa harap ng mga residente, magsasaka, at ilang mananaliksik sa Zamboanga Sibugay kamakailan.

“Napakarami nating magagaling na researchers, kasi walang pondo, walang suporta nag-aalisan (at) pumupunta ng ibang bansa, kasi doon may suporta. ‘Pag sinuportahan doon, nakapag-imbento sila, heto na tayo bibilhin natin ‘yung kanilang imbensyon, e nandito na nga pinakawalan pa,” pahayag ni Lacson.

Inilahad ng Lacson-Sotto tandem ang planong ito sa kanilang pagbisita sa bayan ng Ipil sa Zamboanga Sibugay kasama nina Piñol at Dra. Minguita Padilla na kapwa tumatakbong senador. Dito, idinulog sa kanila ang marami pang problemang kinakaharap ng sektor ng pagsasaka na maaari umano sanang matulungan ng mga siyentista kung mayroon lamang sapat na pondo.

Muling iginiit ni Lacson na kailangang itaas ang pondo para sa research and development na sa kasalukuyan ay 0.4 porsyento lamang ang bahagi sa pambansang budget. Aniya, simula pa noong siya ay police chief hanggang maging senador ay ipinaglalaban na niyang palakasin ang sektor na ito.

Kung si Lacson umano ang pipiliin ng mga Pilipino para maging susunod na pangulo ay target niyang iangat sa isa hanggang dalawang porsyento ng pambansang budget ang ilalaan ng gobyerno para sa research and development upang matulungan ang mga siyentista sa pangkalusugan, agrikultura at maging engineering.



“Kaya ako naman appreciated ko talaga ‘yung research and development, nandiyan ‘yung buhay ng bansa natin para hindi tayo bili nang bili galing sa ibang bansa,” ani Lacson.

Sinabi naman ni Piñol na ang tambalang Lacson-Sotto ang magiging liwanag para sa mga researcher sa ating bansa dahil sa tunay nilang adbokasiya sa sektor ng agham at teknolohiya.

“Magkakaroon kayo ng mas malaking atensyon at suporta mula sa gobyerno kung si Ping Lacson, Tito Sotto ang manalo bilang pangulo at pangalawang pangulo,” ayon sa dating kalihim.