Advertisers
ABALANG-ABALA sa pagma-Maritess ang isang kalaban sa pulitika ng tiyak na magiging First Lady Mayor ng Maynila na si Honey Lacuna.
Wala itong pinagkaka-bisihan sa araw-araw kungdi ang kung paanong sisiraan sina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey sa mga mata ng Manilenyo.
Ang nakakatawa, dedma lang ang dalawa, lalo na si VM Honey na, ayon sa malalapit sa kanya, ay walang panahon sa mga taong ‘Maritess.’
Imbis na patulan ang kandidatong puro tsismis ang lakad, mas minamabuti pa ni VM Honey na pag-igihan pang lalo ang kanyang pagta-trabaho bilang ikalawang punong-lungsod ng Maynila at bilang Presiding Officer ng Manila City Council na binubuo ng 38 konsehal na kumakatawan sa anim na distrito ng Maynila.
Bukod diyan, itinutuon din ni VM Honey ang kanyang atensyon sa masigasig na pangangampanya, kasama ang kanyang kandidatong bise-alkalde, at siguradong mananalo din, na si Congressman Yul Servo (3rd district).
Tama lang naman na dedmahin ang Maritess na kandidato dahil wala namang following ang kanyang mga social media account. Maging ang mga inila-live niya sa Facebook ay iilan lang ang nanonood.
Ibig sabihin lamang nito na walang nagtitiyagang makinig o manood sa kanya.
Nakakaawa siya kung tutuusin dahil lumalabas na wala siyang plataporma, kaya mas pinagkakaabalahan niya ang paninira ng kapwa kandidato kaysa iprisinta ang mga plano niya para sa Maynila, kung meron man.
Paano nga naman ito makakapambola na mayroon siyang plataporma eh halos lahat ng dapat ibigay sa mga Manilenyo ay naipagkaloob na ng kasalukuyang administrasyon kung saan malaki ang naging bahagi ni VM Lacuna mismo, bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal ng lungsod.
Mahirap ding palabasin na may malasakit ka sa mga taga-Maynila kung nuong panahon ng pandemya ay hindi ka nakapagbigay ni isang latang sardinas o singkong duling bilang donasyon habang nangangalap ang pamahalaang-lungsod ng pang-ayuda sa mga residenteng nawalan ng kabuhayan sa gitna ng pandemya.
Hindi naman maaring ikatwiran na hindi ka nakapuwesto sa pamahalaang-lungsod kaya wala kang naibigay na tulong sa kapwa mo.
Kahit pribadong indibidwal, pupuwedeng tumulong kung gusto talagang tumulong. Lalo na kung ikaw ay may kaya sa buhay. ‘Yan ‘yung sinasabing kung gusto maraming paraan, kung ayaw maraming dahilan.
Ang kakatawa, ni wala na ngang itinulong ang kandidatong Maritess, me gana pang manira sa mga nagpapatakbo ng pamahalaang-lungsod na siyang nagsikap magtawid sa mga taga-Maynila sa kasagsagan ng pandemya at kagutuman.
Bukod sa mga food box na ibinigay ng walong buwan, dalawang ulit ding nagbigay ng tig-P1,000 na cash aid sa 700,000 pamilya sa lungsod. Binigyan din ng cash allowance kada buwan ang mga senior citizens, solo parents, persons with disability at mga mag-aaral ng PLM at UDM, bukod pa sa ginawang libre ang RT-PCR test sa Maynila para sa mga residente maging hindi taga-Maynila.
Namimigay din ang Maynila ng libreng gamot na mamahalin laban sa COVID-19 gaya ng Remdesivir, Molnupiravir at Baricitinib.
Etong si kandidatong Maritess, nakapagbigay kaya ni tig-isang pirasong vitamin C sa mga residente ng Maynila?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.