Advertisers

Advertisers

HINDI KAYO EXEMPT SA BATAS, SABI NI YORME ISKO SA PAMILYA MARCOS

0 222

Advertisers

WALANG sinoman ang mas makapangyarihan pa sa batas!

Ito ang ipinaalaala ni Aksyon Demokratiko standard bearer Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pamilya Marcos kasunod ang muling panawagan na magbayad ng utang na estate tax sa gobyerno.

Sa harap ng media at ng nagkakatipong tao sa kapitolyo ng Zamboanga del Sur nitong Miyerkoles, Abril 6, sinabi ni Yorme Isko na lahat ay may pananagutan sa tao at sa batas.



Sa loob ng mahigit na 25 taon, ibinulgar ni Isko na hindi binabayaran ng pamilya Marcos ang P23-bilyong estate tax ng namatay na dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ang halaga ay umabot na sa P203-bilyon dahil sa patong-patong na multa at interes, ayon sa Bureau of Internal Revenue.

“Ang punto ko, hindi na ito kailangang singilin, obligasyon ito. So, kung sa iyo applicable, sa tatay at nanay mo applicable, sa pamilya mo applicable, applicable din sa kanila. Ano pa ang ipapaliwanag ng abogado doon,” sabi ni Yorme Isko sa media matapos na makipagkita kay Governor Victor Yu.

Hindi siya namamalimos sa pamilya Marcos, paliwanag ng 47-anyos na alkalde ng Maynila.

“Obligasyon ito, hindi po tayo namamalimos, utang nyo ito sa taumbayan,” sabi ni Yorme Isko.



Hindi tama na ikatwiran nina Marcos Jr. at Sen. Imee Marcos na wala silang alam sa demand letter ng BIR at hindi na maaaring baligtarin pa ang hatol ng Supreme Court dahil isinapinal na ang utos na dapat silang magbayad ng P203-bilyong estate tax.

“Alam nila na meron silang obligasyon. Yes. Alam niyo naman, sinasabi sa batas, ‘ignorance of the law excuses no one…’ More so, ito’y pamilya ng mga pulitiko, mga pulitikong nagpapatupad din ng batas at gumagawa din ng batas,” sabi ni Yorme Isko.

Paliwanag ni Isko imposibleng hindi alam ng magkapatid ang batas dahil sila ay kapwa nag-aral sa ibang bansa.

“Sila ay nag-aral kung saan-saan na matatayog na bansa at sila ay naging mambabatas din, o naging governor at matagal sila na namuno. So, alam nila yung batas,” paliwanag ni Yorme Isko.

Aniya pa, simple lang ang batas: May namatay, may minana, at merong buwis. May dapat magbayad. Wala na akong ipaliliwanag doon, kasi maliwanag pa sa sikat ng araw.”

Wala na ring dapat pag-usapan pa, dugtong ni Yorme Isko dahil umamin na ang pamilya Marcos sa di-pa-nabayarang estate tax.

Ang mahalaga ay magbayad o singilin ng gobyerno ang P203-bilyon upang magamit na tulong sa naghihirap na mamamayang Pilipino.

“Pwede na munang bayaran yung P23 billion, makabili tayo ng fertilizer sa magsasaka, ayuda sa 4.2 million na nawalan ng trabaho or if we could create jobs for them, o ayuda sa mga driver at operator ng taxi, jeep, tricycle o bus. Hirap ang buhay ng tao,” sabi ni Yorme Isko.(BP)